Papel ng UN sa makataong tulong, suportado ng Tsina

2022-12-07 15:15:12  CMG
Share with:

Ipinahayag, Disyembre 6, 2022 ni Geng Shuang, Pangalawang Pirmihang Kinatawang Tsino sa United Nations (UN), na mahalaga sa Tsina ang humanitaryong usapin ng daigdig, at suportado ng kanyang bansa ang pag-oorganisa at pagkokoordina ng UN sa mga makataong tulong na pandaigdig.

 

Sa isang pulong ng Ika-77 Sesyon ng Pangkalahatang Asembleya ng UN, ipinahayag ni Geng na sa pamumuno ng UN, kailangang patatagin at palalimin ng komunidad ng daigdig ang mga kooperasyon sa pagpigil sa mga kalamidad at pagtulong sa mga apektado nito.

 

Aniya pa, aktibong lumalahok ang Tsina sa mga makataong tulong sa daigdig at umaagapay sa mga umuunlad na bansa para harapin ang mga hamong gaya ng kahirapan, pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) at mga likas na kapahamakan.

 

Sa suporta ng komunidad ng daigdig, patuloy at aktibong lalahok ang Tsina sa mga bilateral at multilateral na makataong tulong sa buong daigdig, dadag niya.

 

Saad ni Geng, ang mga makataong tulong ay dapat ding alinsunod sa Karta ng UN at resolusyon bilang 46 at 182 ng Pangkalahatang Asembleya ng UN para maiwasan ang pagsasapulitika ng humanitaryong isyu.