Liham ng kinatawan ng mga mag-aaral ng wikang Tsino sa Saudi Arabia, sinagot ni Xi Jinping

2022-12-08 14:53:30  CMG
Share with:

Sa kanyang sagot sa liham ng kinatawan ng mga mag-aaral ng wikang Tsino sa Saudi Arabia, hinimok ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang mga kabataan sa Saudi Arabia na mabuting pag-aralan ang wikang Tsino, upang makapagbigay ng bagong ambag sa pagkakaibigang Sino-Saudi Arabiano at ugnayang Sino-Arabe.

 

Tinukoy ni Xi na ang wika ay pinakamabuting paraan upang maunawaan ang isang bansa.

 

Kaya, taos-puso siyang nagagalak dahil nakikilala ng mga kabataan sa Saudi Arabia ang makulay, multi-dimensyonal at komprehensibong kultura ng Tsina sa pamamagitan ng pag-aaral ng wikang Tsino at paglahok sa "Chinese Bridge" exchange program.

 

Ang mga kabataan ay kinabukasan ng pagkakaibigang Sino-Saudi Arabiano at ugnayang Sino-Arabe, giit ni Xi.

 

Hinggil dito, welkam aniyang bumisita sa Tsina ang mga estudyante ng Saudi Arabia para palakasin ang pagkakaunawaan at paunlarin ang pangmatagalang pagkakaibigan sa mga kabataang Tsino.

 

Ito aniya ay lilikha ng mas magandang kinabukasan sa mga ugnayang Sino-Saudi Arabiano at Sino-Arabe.

 

Ipinadala kamakailan ng higit 100 kabataang mag-aaral at tagahanga ng wikang Tsino sa Saudi Arabia, ang liham kay Pangulong Xi para ibahagi ang kanilang natamong kaalaman, at ideya sa pag-aaral ng wikang Tsino.

 

Nais nilang ibayo pang palalimin ang pagkaunawa sa Tsina, upang maging mga embahador pangkultura tungo sa pagpapasulong ng pakikipagkaibigan ng dalawang bansa.

 

Salin: Kulas

Pulido: Rhio/Jade