Sa kanyang artikulo sa Washington Post, Enero 4, 2022, sinabi ni Qin Gang, bagong Ministrong Panlabas ng Tsina, na mananatiling bukas ang pinto ng relasyong Sino-Amerikano at hinding-hindi ito magsasara.
“Ang kinabukasan ng ating dalawang mamamayan at kinabukasan ng mundo ay nakasalalay sa malusog at matatag na relasyong Sino-Amerikano,” aniya.
Idiniin ni Qin na ang naturang relasyon ay hindi laro ng sero-sum, kung saan, tatalunin ng isang partido ang kakompetensya, o pauunlarin ng isang bansa ang sarili habang pinapahirapan ang iba.
Si Qin ay naging embahador ng Tsina sa Amerika noong Hulyo 2021 - isang komplikado’t mahirap na panahon sa ugnayan ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, sinabi niyang ang nasabing pagkakatalaga ay misyon upang maisulong ang pagpapalitan at pagtutulungan sa iba’t-ibang larangan, at oportunidad para magpunyagi tungo sa pagpapatatag at pagpapa-unlad ng ugnayang Sino-Amerikano.
Dagdag ni Qin, ang pagpapalakas ng relasyong Sino-Amerikano ay mananatiling mahalagang misyon sa kanyang bagong tungkulin bilang Ministrong Panlabas ng Tsina.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio