Kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, palalalimin ng Tsina at mga bansang Arabe

2023-01-16 15:48:15  CMG
Share with:

 


Enero 15, 2023, Cairo, Ehipto – Sa pagtatagpo nina Qin Gang, Ministrong Panlabas ng Tsina, at Ahmed Aboul Gheit, Punong Kalihim ng Arab League (AL), ipinahayag ni Qin na naging matagumpay at mabunga ang pagdaraos ng China-Arab States Summit noong nakaraang buwan.

 

Nakahanda aniyang magsikap ang Tsina, kasama ng mga bansang Arabe, upang isakatuparan ang mga konseso sa nasabing summit, at mabilis na pasulungin ang walong pangunahing inisyatibang pangkooperasyon na napagkasunduan.

 

Ang Tsina at mga bansang Arabe ay pawang mga umuunlad na bansa, at mayroon ding malawak na komong kapakanan, kaya pinupuri aniya ng Tsina ang panig Arabe sa pananangan nito sa prinsipyong isang Tsina at pagsuporta sa lehitimo nitong paninindigan.

 

Sa katulad na paraan, buong tatag ding sinusuportahan ng Tsina ang mga bansang Arabe sa pagtahak sa landas ng pagkakaisa upang magkakasamang lutasin ang isyung pangseguridad sa rehiyon,  hanapin ang pag-unlad na angkop sa sariling kalagayan, at gumanap ng mas malaking papel para sa kapayapaan at katatagan ng Gitnang Silangan, dagdag ni Qin.

 

Ipinahayag naman ni Ahmed Aboul Gheit na matagumpay ang kauna-unahang China-Arab States Summit, at mainit ang reaksyon ng mga mamamayang Arabe sa talumpati ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina.

 

Nakahanda aniyang magsikap ang panig Arabe, kasama ng Tsina, para palakasin ang kooperasyon, at isakatuparan ang walong pangunahing inisyatibang pangkooperasyong napagkasunduan sa naturang summit.

 

Nagpasalamat din siya sa matatag na suporta at tulong ng Tsina sa paglaban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), at pag-unlad at pagkakaisa ng mga bansang Arabe.

 

Umaasa ang mga bansang Arabyano na lalo pang lalakas ang kooperasyon sa Tsina sa iba’t-ibang larangan para pasulungin ang mayapapa at matatag na pag-unlad ng rehiyon, dagdag niya.

 

Hinihintay rin aniya ng Ehipto at mga bansang Arabe ang pagbisita ng mas maraming Tsino para sa turismo, at negosyo.

 

Bukod dito, magkahiwalay ring kinatagpo si Qin nang araw rin iyon nina Pangulong Abdel-Fattah El-Sisi ng Ehipto at Sameh Shoukry, Ministrong Panlabas ng bansa.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio