Pagbebenta ng Amerika ng mga sandata sa Taiwan, mariing tinututulan ng Tsina

2023-03-03 12:25:00  CMG
Share with:

Inihayag Huwebes, Marso 2, 2023 ni Tagapagsalita Ma Xiaoguang ng Tanggapan ng mga Suliranin ng Taiwan ng Konseho ng Estado ng Tsina ang buong tatag na pagtutol ng bansa sa pagbebenta ng Amerika ng mga sandata sa rehiyon ng Taiwan ng Tsina.

 

Ayon sa ulat ng media, ipinasiya kamakailan ng kaukulang departamento ng Amerika na ibenta sa Taiwan ang mga sandata na nagkakahalaga ng halos US$619 milyon.

 

Bilang tugon, sinabi ng tagapagsalitang Tsino na ang kilos ng Amerika ay malubhang lumabag sa prinsipyong isang Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng Tsina at Amerika, lalong lalo na, mga alituntunin ng August 17 Communique.

 

Ito aniya ay pakikipagsabwatan at pagsuporta sa mga puwersang naninindigan sa umano “pagsasarili ng Taiwan,” at nakakasira rin sa kapayapaan at katatagan ng Taiwan Strait.

 

Saad ni Ma, hinimok ng panig Tsino ang panig Amerikano na sundin ang prinsipyong isang Tsina at tatlong magkasanib na komunike ng dalawang bansa, at itigil ang pagbebenta ng sandata sa Taiwan at ugnayang militar sa Taiwan.

 

Babala rin niya sa awtoridad ng Democratic Progressive Party ng Taiwan na tiyak na mabibigo ang anumang tangkang tumanggi sa reunipikasyon sa pamamagitan ng dahas o maghangad ng “pagsasarili ng Taiwan,” sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa Amerika.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil