Premyer Tsino, nakipagtagpo sa mga kinatawang dayuhan ng CDF 2023: kooperasyon, patuloy na isusulong

2023-03-28 16:19:23  CMG
Share with:

Marso 27, 2023, Beijing – Sa kanyang pakikipagtagpo sa mga kinatawang dayuhan na kalahok sa taunang pulong ng China Development Forum (CDF) 2023, pinasalamatan ni Li Qiang, Premyer ng Tsina ang ambag na ibinigay ng mga kalahok sa pag-unlad ng Tsina.

 

Si Premyer Li Qiang ng Tsina 


Aniya, dapat palalimin ng iba’t-ibang panig ang komong palagay, at palakasin ang kooperasyon para magkakasamang mapasulong ang pagbangon ng kabuhayang pandaigdig.

 

Binigyang-diin ni Li na patuloy na kakamtin ng kabuhayang Tsino ang paglaki, at magsisikap ang Tsina para isakatuparan ang de-kalidad na pag-unlad, para sa mas maligayang pamumuhay ng mga mamamayan.

 

Ipagkakaloob rin aniya ng Tsina ang bagong puwersang tagapagpasulong sa kabuhayang pandaigdig, at mas malawak na espasyo ng pag-unlad para sa mga dayuhang kompanyang nasa Tsina.

 

Diin ni Li, hindi maaaring maghiwalay ang kabuhayan ng Tsina at mundo, at matatag na palalawakin ng bansa ang pagbubukas nito sa labas, anuman ang mangyaring pagbabago sa kalagayang pandaigdig.

 

Lumahok sa taunang pulong ng CDF 2023 ang mga opisyal ng mga kinauukulang bansa, namamahalang tauhan ng World Top 500 Enterprises, dalubhasa, kinatawan ng mga pangunahing pandaigdigang organisasyon at iba pa.

 

Nagtalumpati rito sina Timothy Donald Cook, Chief Executive Officer ng Apple Inc.; Toshiaki Higashihara, Tagapangulo ng Hitachi Ltd.; at iba pang negosyante.

 

Anila, kailangang magkakasamang magsikap ang iba’t-ibang bansa para labanan ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), pasulungin ang pagbangon ng kabuhayan pagkatapos ng pandemiya, at kaharapin ang mga pandaigdigang hamon.

 

Umaasa silang gaganap ng mahalagang papel ang Tsina sa paglutas ng mga pandaigdigang isyu, at pagpapalalim ng kooperasyon ng mga transnasyonal na kompanya at mga kompanyang Tsino sa hinaharap.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio