Pagbabahagi ng pagkakataon ng pag-unlad sa pamamagitan ng BRI, pinag-ukulan ng pansin ng sub forum ng taunang pulong ng BFA

2023-03-29 16:04:52  CMG
Share with:


Sa panahon ng taunang pulong ng Boao Forum for Asia (BFA), ginanap Martes, Marso 28, 2023 ang sub forum na may temang “Belt and Road: Sharing the Opportunities of Development.”

 

Tinalakay ng mga kalahok na panauhin ang hinggil sa maagang bunga at benepisyong pangkaunlaran na idinulot ng Belt and Road Initiative (BRI) sa mga kasaling bansa nitong nakalipas na 10 taon, sapul nang iharap ito bilang pandaigdigang produktong pampubliko.

 

Ayon sa datos, hanggang noong katapusan ng 2022, umabot sa US$57.13 bilyon ang kabuuang pamumuhunan sa mga sona ng kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan na itinatag ng mga kompanyang Tsino sa mga bansang kasali sa BRI, at lumikha ito ng 421,000 trabaho sa lokalidad.

 

Sa kasalukuyan, nilagdaan ng Tsina, kasama ng 18 bansang kasali sa BRI na kinabibilangan ng 10 kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), Chile, at New Zealand ang kasunduan sa malayang kalakalan.

 

Inihayag ng mga panauhin sa porum na sa hinaharap, dapat patuloy at aktibong pasulungin ng mga kasaling bansa sa BRI ang kooperasyon sa malayang kalakalan sa mga trade partner, at walang humpay na palawakin ang network ng mga sona ng malayang kalakalan sa buong mundo na may mataas na pamantayan.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil