Pagkain ng Qingtuan sa Pestibal ng Qingming

2023-04-04 16:52:01  CMG
Share with:


Ang Pestibal ng Qingming o Tomb-sweeping Day ay isang tradisyunal na pestibal ng Tsina na halos kapareho ng Todos Los Santos ng Pilipinas, kung kailan ginugunita at binibigyang-galang ang mga ninuno at mga namayapang kamag-anakan.

 

Tuwing Qingming, mayroong kaugalian ang mga Tsino na pagkain ng Qingtuan, isang meryendang gawa sa malagkit na bigas na may literal na kahulugang “berdeng bola.”

 

Ang Qingtuan ay mayroong mahigit sanlibong taong kasaysayan sa Tsina. Noong sinaunang panahon, orihinal itong ginamit bilang isa sa mga handog pansakripisyo sa mga ninuno sa Pestibal ng Qingming.

 

Matapos ang mahabang panahon, ang Qingtuan ngayon ay isa nang sikat na seasonal snack na kinagigiliwan ng mga tao, hindi lamang sa Qingming, kundi rin sa buong Tagsibol.

 

Maraming Tsino ang bumibili ng mga Qingtuan sa tindahan, o kaya’y gumagawa ng mga ito sa bahay.

 

Mayroong apat na hakbang sa paggawa ng Qingtuan.

 

Una ay paggawa ng pambalot. Katasin ang mga nasa-panahong halaman at gulay na gaya ng wormwood at spinach, at idagdag ang pulbos ng malagkit na bigas. Haluing mabuti.

 

Ang ikalawang hakbang ay paghahanda ng palaman. Red bean paste at black sesame paste ang kadalasang gusto ng mga tao.

 

Sunod ay ang pagbabalot at paghuhugis. Ilagay sa pambalot ang palaman at ikorte na parang bola.

 

Panghuli ay pasingawan. Pero, bago ito, puwedeng pahiran o ispreyan ng kaunting mantika ang mga bola para magkaroon ng mas makintab na labas at mas magandang kulay-berde, at iwasan ang pagdidikit-dikit sa pasingawan.

 

Pasingawan ng sampu hanggang labinlimang minuto.

 

Tapos na! Halina’t kunin na natin ang masarap na Qingtuan!

 

Sa kasalukuyan, ang tradisyunal na pagkain na Qingtuan ay patuloy na nagkakaroon ng malikhaing pag-unlad. Nagiging mas samu’t-sari ang mga palaman gaya ng mangga, tsokolate, keso, at pula ng itog at pinirasong karne.

 

Makikita rin ang mga bagong hugis na nakakaakit sa mas maraming mamimili.


Video/Script: Kulas

Pulido: Rhio/Jade