MOFA: Dapat panatilihin ng Britanya ang tamang ideya at maingat na paninindigan sa isyu ng Taiwan

2023-04-25 16:15:41  CMG
Share with:

 

Idiniin Lunes, Abril 24, 2023 ni Mao Ning, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina (MOFA), na dapat panatilihin ng Britanya ang tamang ideya at maingat na paninindigan sa isyu ng Taiwan.

 

Ayon sa ulat, ipinahayag kamakailan ni James Cleverly, Ministrong Panlabas ng Britanya, na ang isyu ng Taiwan ay hindi suliraning panloob ng Tsina.

 

Kaugnay nito, sinabi ni Mao na kailangan ng ministro ang pagbabalik-aral sa kasaysayan.

 

Saad ni Mao na ang pagbalik ng Taiwan sa Tsina ay mahalagang bahagi ng kaayusang pandaigdig pagkatapos ng World War II at malinaw na itinakda ng Cairo Declaration at Potsdam Proclamation.

 

Tinukoy ni Mao na ang prinsipyong isang-Tsina ay pundamental na prinsipyo ng pandaigdigang relasyon at komong palagay ng komunidad ng daigdig at kinumpirma ng resolusyon bilang 2758 ng ika-26 na Pangkalahatang Asembleya ng United Nations.

 

Dagdag pa ni Mao, ang prinsipyong ito ay pundasyong pulitikal at paunang kondisyon ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Britanya at sa magkasanib na komunike ng pagpapalitan ng embahador ng dalawang bansa, malinaw na kinilala ng Britanya na ang Taiwan ay isang probinsya ng Tsina at ang pamahalaan ng People’s Republic of China ay tanging lehitimong pamahalaan ng Tsina.


Salin: Ernest

Pulido: Ramil