Narito ang ikalawang bahagi ng panayam ng Serbisyo Filipino kay Princess Jacel H. Kiram.
Tampok dito ang pagpapalakas ng mahigit 1,000 taong kasaysayan ng relasyong Pilipino-Sino, pagbisita ng prinsesa sa mga kaibigan sa Beijing, pagkikipagpulong niya kaugnay ng pagdiriwang ng ika-606 na anibersaryo ng pagdalaw ni Paduka Batara sa Beijing, at marami pang iba.
Si Paduka Batara ay ang hari ng Silangang Kaharian ng Sulu noong mga unang taon ng 1400s.
Bumiyahe siya sa Beijing kasama ang kanyang reyna, mga anak at enturahe noong 1417 upang makipagkalakalan at dalawin ang matalik na kaibigan, ang emperador ng Dinastiyang Ming, si Zhu Di o mas kilala bilang Emperador Yong Le.
Sa kasamaang-palad, habang papauwi sa Sulu, nagkasakit at namatay si Paduka Batara.
Nang malaman ito ng Emperador Yong Le, lubha siyang nalungkot, at bilang pagpupugay, ipinag-utos niya ang pagtatayo ng isang enggrandeng musoleo na nararapat sa isang prinsipeng Tsino sa lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, upang doon ihimlay ang mga labi ng kaibigan.
Dalawang anak na lalaki at ilang matatapat na sundalo ni Paduka Batara ang nagpa-iwan upang magsilbing bantay sa musoleo.
Doon na sila nanahan at nagtayo ng pamilya kasama ang mga lokal na residente.
Hanggang ngayon, ang kanilang mga salinlahing mga Tsino ang nangangasiwa sa puntod ni Paduka Batara.
Ito ay isa sa mga pangyayaring nagbigkis sa mga Pilipino at Tsino bilang magkapatid at magkapamilya.
Ika nga ng prinsesa, ang kuwento ni Paduka Batara ay hindi lamang nagbibigay-karangalan sa mga Tausug, kundi ito ay dangal din ng bawat ng Pilipino, dahil ito ay patunay na bago pa man dumating ang mga Kastila, mayroon na tayong modernong lipunan, kultura, pamahalaan, relasyong pangkalakalan, at diplomatikong relasyon sa Tsina.
“Pilipino ako! Sigurado akong ganito rin ang pakiramdam ng lahat ng Pilipinong makakaalam sa ating relasyon sa Tsina,” saad pa niya.
Tungkol dito, sinabi ni Jacel, na sa Setyembre ng taong ito, gaganapin ang pagtitipon upang ipagdiwang ang anibersaryo ng nasabing pagdalaw, at siguradong babalik siya sa Tsina sa panahong iyan.
Ulat: Rhio Zablan at Ramil Santos
Pasasalamat at kredito:
Princess Jacel H. Kiram – larawan at video
Rhio Zablan – Host
Ramil Santos – Videographer at video editing
Kulas – Sound enhancement
Jade Xian – Patnugot