Bumisita kamakailan sa Tsina si Princess Jacel H. Kiram, Prinsesa ng Sultanato ng Sulu, at sa kanyang pagpunta sa Beijing, pinalad ang Serbisyo Filipino na makakuwentuhan siya.
Narito ang una sa apat na video ng kanyang panayam kung saan napag-usapan ang layon ng kanyang pagbisita sa Tsina, mabubuting aral na puwedeng mapulot ng mga Tausug at lahat ng Pilipino sa mga Tsino, at marami pang iba.
Sinabi ng prinsesa, na nais niyang pag-aralan ang industriya ng paggawa ng mga pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal o Halal Certified Chinese Cuisine upang tingnan kung puwede itong dalhin sa Pilipinas, lalo na sa mga Muslim sa Mindanao.
Sa kanyang pakikipag-usap sa mga opisyal at mamamayang Tsino, napansin niya ang kanilang kasipagan, epsiyensya, dedikasyon at diwa ng pagtutulungan.
Tungkol dito, sinabi niyang “ang Tsina po ay hindi mayamang bansa noong mga 1970s, pero sa loob ng maikling panahon, dahil sa pagtutulung-tulong ng mga Tsino, nagtagumpay ang bansa. Umaasa akong mapag-aaralan ito, at sana, 5 hanggang 10 taon mula ngayon ay magkakaroon tayo ng mas maunlad at masaganang Pilipinas.”
Kuwento ni Princess Jacel, ang unang hinto ng kanyang pagdalaw sa Tsina ay lalawigang Guangdong, at doon ay natikman niya ang masasarap na pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal, tulad ng siopao, siomai, hakaw, at marami pang iba.
“Umaasa akong madadala natin ang mga ito sa Pilipinas, partikular para sa mga Muslim sa Mindanao,” dagdag niya.
Sa kanya namang pagdalaw sa lunsod Xi’an, lalawigang Shaanxi, gawing gitna ng Tsina, sinabi ni Jacel na nakatagpo niya ang Xi’an Halal Chamber of Commerce (XHCC), na tagasertipika ng lahat ng pagkaing Halal sa Tsina.
Aniya, dinayo rin niya rito ang Huimin Jie o Muslim Street, kung saan, muli niyang tinikman ang mga pagkaing Tsino na Sertipikadong Halal.
Bukod diyan, nagpunta rin aniya siya sa musoleo ng unang emperador ng Tsina na si Ying Zheng o mas kilala sa tawag na Qin Shi Huang, kung saan, sinilayan niya ang libu-libong Mandirigmang Terakota.
“Napakaganda ng klima at lunsod ng Xi’an, parang Baguio,” aniya pa.
Ulat: Rhio Zablan at Ramil Santos
Pasasalamat at kredito:
Princess Jacel H. Kiram – Larawan at video
Rhio Zablan – Host
Ramil Santos – Videographer at video editing
Li Feng (Lito) – Web Editor
Wang Haixu (Kulas) – Sound enhancement
Jade Xian – Patnugot