Lumahok si Liu Xin, anchor ng China Global Television Network (CGTN), sa programang Squawk on the Street ng Consumer News and Business Channel (CNBC) ng Amerika, na ginawa nitong Martes, ika-3 ng Setyembre 2019, local time, sa New York Stock Exchange.
Sa naturang halos 13 minutong programa, tinalakay ni Liu at 3 anchor na Amerikano ang hinggil sa alitang pangkalakalan ng Tsina at Amerika. Inilahad niya ang paninindigan ng Tsina sa tuluy-tuloy na pagdaragdag ng Amerika ng taripa sa mga panindang Tsina at mga hakbangin ng panig Tsino bilang tugon. Isinalaysay niya ang kanyang palagay sa mga epektong dulot ng alitang pangkalakalan sa mga karaniwang mamamayan ng kapwa bansa. Pinabulaanan din ni Liu ang di-umanong "sapilitang paglilipat ng teknolohiya" sa Tsina, at binigyang-diin ang mga isinasagawang hakbangin ng bansa para sa pagpapasulong sa inobasyon at pangangalaga sa intellectual property.
Salin: Liu Kai