|
||||||||
|
||
Ito ang aking kauna-unahang pagkakataon na lumakbay sa probinsyang Sichuan. Ako'y nagagalak at nagkakaroon ako ng pagkakataon na maimbitahan ng CRI upang dumalo sa 2011 Sichuan Tourism International Festival na pinamunuan ng National Tourism Administration ng Tsina at ng Sichuan Provincial People's Government.
Hindi ko inaasahan na sakay ng eroplano mula Beijing patungong Chengdu Sichuan ay mahigit dalawang oras din pala ang biyahe. Nahuli ng isang oras ang aming eroplano kaya't nagkaroon ako ng panahon upang makilanlan ang iba pang foreign staffers na naimbitahang dumalo sa nasabing festival. Nanggaling sa iba't ibang bansa tulad nalang ng Myanmar, Cambodia, Hungary, Czeck, Kenya, Laos, Egpyt, Syria, at iba pa ang aking nakasalamuha.
Sa aming paglapag sa Chengdu, Sichuan, nagulat ako sa dami ng tao na naghihintay sa mga turista. Iba't ibang plaka ang kanilang hawak at may mga mamamahayag pang naroroon. Dito ko nalaman na isang malaking pagtitipon pala ang Sichuan Tourism International Festival.
Kami'y tumungo sa aming titirhan at wala pang sampung minutos na paglagi sa kwarto ay kinailangan na naming pumanhik sa lobby at tumungo sa bangketeng inihanda ng National Tourism Administration ng Tsina at ng Sichuan Provincial People's Government. Napakaengrande ng bangketeng inihanda, samu't saring lahi ang aking nakita at napakapormal ng mga kasuotan ng mga naimbitahan.
Bilang pagbubukas sa handaan, nagbigay ng maiksing mensahe ang mga opisyal ng mga namuno sa nasabing aktibidad. Nagpalabas pa ito ng isang maikling video na nagpapakita ng kagandahan ng Sichuan. Pinakita din dito ang mga kalagayan ng mga syudad matapos mayanig ng lindol at ang kagandahan ng syudad matapos ito ayusin ng gobyerno. Sa pagtatapos nito nagsimula ang kainan. Iba't ibang putahe ang naihanda para sa amin. Mga espesyal na putahe ng Sichuan, may maaanghang at mayroon din hindi. Lahat ay swak sa aking panlasa.
Matapos kumain ay nagpahangin kami sa labas. Dito naramdaman ko ang kaibahan ng Chengdu sa Beijing. DIto pakiramdaman ko'y napakakonte ng tao. Hindi sing tuyo't ng Beijing ang panahon. Katamtamang panahon tulad ng Pilipinas. Sa gabi din makikita ang makukulay na gusali na animo'y binabati kami ng maligayang pagdating.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |