MPST
|
MPST
|
Kasalukuyang nandito sa Beijing ang Grade 11 students ng Xavier School. Sila ay mga IB Students na kumukuha ng Chinese Language Enrichment Program. Nitong Biyernes, Abril 7,2017 dumalaw ang grupo sa Philippine embassy para alamin ang mga gawain ng mga kawani ng Department of Foreign Affairs ng Pilipinas.
Malugod silang tinanggap ng mga diplomatang Pilipino na kabilang sa Consular, Political at Cultural sections ng pasuguan. Nabigyan ng pagkakataon ang mga kabataang magtanong hinggil sa ilang isyu sa diplomasya, usaping pulitikal at kalagayan ng mga OFW sa Tsina.
Nakadaupang palad din ng mga Xavier students si Embahador Jose Santiago Sta. Romana. Sa kanyang welcome remarks sinabi ni Amb. Sta. Romana na masaya siyang makita ang mga kabataang Pinoy na nag-aaral ng wikang Tsino at personal na maranasan ang pamumuhay sa Tsina. Dahil aniya mahalaga ito sa pagpapalalim ng paguunawaan sa pagitan ng mga Tsino at Pilipino.
Ibinagi din ni Amb. Sta. Romana na bago pa man siya naitalaga sa kanyang bagong tungkulin ay bahagi siya ng tinatawag na Track Two ng Diplomasya na nakatuon sa pagpapalitan ng mga mamamayan. Ang Phlippine Association of Chinese Studies kung saan kabilang si Amb. Sta. Romana ay nagsagawa ng mga pananaliksik sa relasyong Sino-Pilipino at aktibong lumahok sa mga diskusyong pang-akademiko sa pagitan ng mga scholars ng Pilipinas at Tsina. Ang hangarin nito ay paunlarin ang ang ugnayan ng dalawang bansa.
Sinabi rin niya na maraming pagkakaiba, kabilang ang ilang mga paninindigan ng Pilipinas at Tsina, ngunit ang mga ito ay pansamantala lamang. Mas mahalaga ang pangmatagalang pagpapapalitan at ang pagpapaibayo ng interaksyon ng mga mamamayan.
Pakinggan ang latest episode ng Mga Pinoy Sa Tsina at alamin ang paliwanag ni Amb. Sta. Romana hinggil sa mahalagang papel ng mga kabataang Pilipino sa pagpapalitang ito. Nagbahagi din ang ilang Xavier School students ng kanilang palagay hinggil sa naging aktibidad sa Philippine Embassy sa Beijing.