Cocoy Declaro
|
Sa kanyang 16 na taong paninirahan sa Xiamen, ang The Beauty of Fujian ang pang-apat na photo exhibition na sinalihan ni Cocoy Declaro.
Si Cocoy Declaro
Full time na singer si Cocoy pero sa libre niyang oras, pagkatapos ng kanyang trabaho, naging hobby niya ang pagkuha ng mga litrato. Maraming picture perfect spots sa Xiamen, para kay Cocoy ang Gulangyu at ang Xiamen University o XiaDa ang ilan sa kanyang mga paboritong lugar.
Bilang pagkilala sa kanilang ambag na talent, iginawad ni Consul General Julius Flores ang Certificate of Appreciation sa mga Foto-Grupo members, kabilang si Cocoy Declaro.
Apat ng photographers ang tampok sa The Beauty of Fujian Photo Exhibition. Ani Cocoy Declaro kapag kumukuha siya ng mga litrato, wala talaga siyang iisang tema o istilo. Naiiba sa tatlo niyang kasama sa Foto-Grupo na nagpakita ng galing sa landscapes (Dan Osillos), street photography (Dixx Gatpo) at photomontage (Bong Antivola).
Sina Bong Antivola, Dixx Gatpo at Cocoy Declaro habang nagtatanghal ng ilang awitin sa pagbubukas ng The Beauty of Fujian Photo Exhibition.
Bilang isang entertainer, ang paghanga ng kanyang audience ay agad na makikita – masigabong palakpakan, malakas na hiyaw o pagsabay sa pagkanta ni Cocoy. Ngunit sa photography mahirap matantya ang reaksyon ng publiko. Kwento ni Cocoy na bukod sa positibong feedback, nakakataba din ng puso kung nabibili ang larawan. Ilang taon na ang nakararaan nabili ang kanyang inexhibit na litrato sa halagang 3000YuanRMB. Bukod dito, ilang pagkakataon na rin siyang nanalo ng unang premyo. Hindi na masama para sa isang hobbyist.
The Guardian, larawang kinunan ni Cocoy Declaro sa Gulanyu Island. Makikita rito ang istatwa ni Zheng Chenggong, isang bayani na gumapi sa mga mananakop na Dutch sa Taiwan noong 1660s.
City Catcher ni Cocoy Declaro na kinunan sa Bailuzhuo Lake, Xiamen.
Para palawigin ang kanyang kaalaman, swerteng nakilala ni Cocoy Declaro ang isang Malaysian professional photographer na may pangalan na sa industriya. Hindi ito madamot sa pagtuturo at naniniwala sa pakikipagpapalitan ng kaalaman kahit sa mga amateur photographers. Inspirasyon ni Cocoy Declaro ang mga taong katulad niya. Sa hinaharap, umaasa siyang mas mapapalawig pa ang pagpapalitan ng kaalaman at karanasan sa pamamagitan ng Foto-Grupo at Xiamen Photo Plus.
Lovers Lake sa Xiamen University. Kinunan ang larawang ito ni Cocoy Declaro minsan isang bukang liwayway.
Alamin ang mga photography tips ni Cocoy Declaro sa panayam ni Mac Ramos at pakinggan ang programang Mga Pinoy sa Tsina.