Dutertenomics
|
Hatid po namin ngayong araw ang espesyal na episode tampok ang highlights ng Dutertenomics sa Tsina na ginanap nitong Lunes Mayo 15, 2017 sa Hyatt Hotel.
Hangad nitong ipakilala sa mga mamumuhunang Tsino ang estratehiyang pangkaunlaran ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Layon nitong isakatuparan ang infrastructure network na mag-uugnay sa buong bansa.
Sa kanyang welcome remarks, ibinahagi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na naaangkop ang ilang elemento ng Dutertenomics sa Pan Asian Transportation Network na bahagi rin ng One Belt One Road (OBOR) Initiative ng Tsina.
Ang OBOR ay tinatawag ding Belt and Road, pinaikling termino ng Silk Road Economic Belt at 21st Century Maritime Silk Road na isinusulong ng Tsina para sa komong kasaganaan sa pamamagitan ng pagpapahigpit ng pag-uugnayan sa iba't ibang larangan.
Mga economic manager ng Pilipinas na kalahok sa panel ng Dutertenomics sa Beijing
Anim na kagawarang may kinalaman sa imprastruktura ang nagsanib pwersa para sa Dutertenomics. Kabilang dito ang Department of Finance, Budget Management, Transportation, Trade and Industry, Public Works and Highways at Labor and Employment.
Kasama rin ang National Economic Development Authority (NEDA) at ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Idinitalye ng mga kalihim ang mga proyektong lilikha ng mga makabagong mga imprastruktura sa buong bansa na nagkakahalaga ng $160 Bilyon at inaasahang matatapos sa taong 2022.
Ang nasabing mga kalihim ay miyembro ng delegasyong Pilipino na pinamumunuan ni Pangulong Duterte na kalahok sa Belt and Road Forum for International Cooperation mula Mayo 14 hanggang Mayo 15, 2017. Pakinggan po natin ang palitan ng mga kalihim at media sa nasabing forum.