Si Jayvee Cosico (ikalawa mula sa kanan), kasama ang kanyang mga kasamahan mula sa PBS-RTVM sa kanilang pagdalaw sa CRI
Beijing, Tsina--Sa kanilang pagdalaw ngayong araw sa himpilan ng Serbisyo Filipino ng Radyo Internasyonal ng Tsina, ipinahayag ni Jayvee James Cosico ng Philippine Broadcasting Service – Radio Television Malacanang (PBS-RTVM) na nagpunta sila sa Tsina upang gumawa ng dokumentaryo tungkol sa buhay ni Sultan Paduka Pahala, ang Sultan ng Sulu na nakahimlay sa Dezhou, lalawigang Shandong, gawing silangan ng Tsina.
Ani Cosico, layon ng dokumentaryong ito na ipaalam sa lahat ng Pilipino sa buong mundo kung gaano na katagal at katibay ang relasyong Pilipino-Sino.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, mas mapapalalim at lalo pang mapagtitibay ang pagkakaunawa ng mga mamamayan ng Pilipinas at Tsina sa isa't-isa, aniya pa.
Mula nang dumalaw sa Tsina si Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 2016, naibalik sa tamang landas ang relasyong Sino-Pilipino, at kasabay nito, dumalas ang pagdadalawan ng mga media ng dalawang bansa.
Si Jayvee James Cosico habang kinakapanayam ng Serbisyo Filipino
Para rito, umaasa si Cosico na magtutuluy-tuloy ang patuloy na lumalakas na pagpapalitang pang-media ng Pilipinas at Tsina.
Si Sultan Paduka Pahala ay Pilipinong Sultan na nagpunta sa Tsina upang dalawin ang kanyang kaibigan, ang Emperador Yongle ng Dinastiyang Ming ng Tsina.
Sa kanyang biyahe pabalik ng Pilipinas, nagkasakit siya at namatay sa Dezhou, lalawigang Shandong ng Tsina noong 1417.
Nagpa-iwan dito ang kanyang asawa at dalawang anak na lalaki, at magpahanggang ngayon, binabantayan pa rin ng kanilang mga salinlahi ang puntod ng yumaong sultan.
Ulat: Rhio Zablan
Larawan: Ken Sumbilon
Web-edit: Liu Kai