Balangay Expedition Team ng Pilipinas sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing
Beijing, Tsina – Sa okasyon ng ika-601 taong anibersaryo ng pagdalaw ni Sultan Paduka Batara ng Sulu sa Tsina, dumating kahapon, Mayo 8, 2018 sa Dezhou, siyudad sa lalawigang Shandong, dakong silangan ng Tsina ang Balangay Expedition Team ng Pilipinas upang bigyang-pugay ang nasabing sultang Pilipino at pasalamatan siya sa kanyang mga ginawa upang patatagin at pasulungin ang relasyong Pilipino-Sino.
Embahador Jose Santiago Sta.Romana habang nagtatalumpati
Bukod dito, nagtungo rin ngayong araw, Mayo 9, 2018 ang nasabing grupo sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing upang katagpuin si Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Sta. Romana, na sa mga panahon ng Dinastiyang Tang (618-907AD) at Dinastiyang Song (960-1279AD), nagsimula ang relasyon ng Pilipinas at Tsina, at ito'y sa pamamagitan ng pagkakalakalan ng mga sinaunang Pilipino at Tsino.
Aniya, malaki ang papel na ginampanan ng Balangay sa pagkakabuo ng relasyong ito, dahil ito ang unang paraan ng mga Pilipino upang maglayag sa dagat.
Anang embahador Pilipino, ang pagdalaw ni Sultan Paduka Batara sa kanyang kaibigan, ang Emperador Yongle ng Dinastiyang Ming ay isang matatag na pundasyon at ebidensya kung gaano katibay, at di-nagmamaliw ang pagpapalitan ng mga mamamayang Pilipino at Tsino.
Samantala, ang pagdalaw naman aniya ng Balangay expedition team ng Pilipinas sa Tsina ay nagsisilbing simbolo ng patuloy pang pag-usbong ng kapakinabangan para sa mga mamamayan ng dalawang bansa at buong rehiyon ng Timog-silangang Asya.
Ipinahayag ng embahador na ang paglalayag ng nasabing grupo papunta sa Tsina, gamit ang Balangay ay isang pagpapakita sa mundo, na ang Pilipinas ay tumatahak sa landas ng indipendiyenteng polisiyang panlabas, at ang bansa ay kaibigan ng lahat at kaaway ng walang sinuman.
Handa aniya ang Pilipinas na makipagkooperasyon sa lahat at magpupunyagi ito, sa tulong ng Tsina upang ang South China Sea ay maging karagatan ng pagkakaibigan at hindi karagatan ng di-pagkakaunawaan.
Art Valdez, Puno ng Balangay Expedition Team
Ipinahayag naman ni Art Valdez, Puno ng Balangay Expedition Team, ang pasasalamat kay Embahador Sta. Romana at mga kagawad ng Embahada ng Pilipinas sa Tsina.
Aniya, mahabang panahon ang ginugol at napakaraming mga pagsubok ang kanilang kinaharap upang ang aktibidad na ito ay magkatotoo.
Mahigit 1,000 notikal na milya, sa gitna ng masungit na panahon ang kanilang nilayag upang makarating sa Tsina, dagdag ni Valdez.
Layon aniya ng biyaheng ito na gunitain ang ika-601 taong pagdalaw ng sultan ng Sulu sa Tsina.
Dagdag pa niya, ang malalaking katawan ng katubigan sa Timog-silangang Asya na gaya ng Dagat Java, Dagat Sulu, Dagat Celebes, South China Sea, at Gulpo ng Thailand ay mga linya ng transportasyon at komunikasyon ng ating mga ninuno, at ang mga katubigang ito ay nagsilbing paraan upang ma-unipika ang mga mamamayan ng Timog-silangang Asya at Tsina.
Hindi aniya kailanman naging instrumento ang mga ito upang magkawatak-watak ang ating mga ninuno.
Mga miyembro ng Balangay Expedition Team, sa kanilang pagpiprisinta ng aklat kay Embahador Sta. Romana
Aniya pa, pinapa-ala-ala ng Balangay na kanilang ginamit sa paglalayag sa Tsina ang libu-libong taong pagkakaisa at pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino.
Dahil sa pagkakaisang ito ng ating mga ninuno, nagkaroon ng kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon ng Timog-silangang Asya, at ito rin ang dapat nating gawin sa ngayon, dagdag ni Valdez.
Aniya pa, ang people-to-people contact ang permanenteng linyang nagbibigkis sa ating mga mamamayan, at sa pamamagitan nito, aanihin ng mga mamamayang Pilipino at Tsino ang mas maraming kapakinabangan, tulad ng ginawa ng mga sinaunang Pilipino at Tsino.
Tatlong Balangay ang ginamit ng nasabing grupo sa paglalayag sa Tsina, at ang mga ito ay kasalukuyang nakadaong sa Lunsod ng Xiamen: kabilang dito ang Sama Tawi-Tawi , Lahi ng Maharlika, at Sultan Sin Sulu (pangunahing Balangay).
Laruang Balangay
Ang grupo ay binubuo ng 35 miyembro, kabilang na sina Noelle Wenceslao at Carina Dayondon, mga kauna-unahan at 2 natatanging babaeng naka-akyat at nakatawid sa Bundok Everest, at hanggang ngayon, hindi pa nasisira ang kanilang rekord.
Ang buong ekspedisyon ay naging makatotohanan sa suporta ni Lim Yaw Yew, Tagapangulo ng Esco Micro Pte. Ltd. ng Singapore.
Mga nakasulat sa likod ng t-shirt ng Balangay Expedition Team
Ulat: Rhio
Larawan: Lele
Web-edit: Jade/ Lele