Martes, Hulyo 17, 2018, sabay-sabay na binuksan ang 8 Little Free Libraries sa iba't ibang SM Malls na matatagpuan sa 7 lunsod ng Tsina na kinabibilangan ng Xiamen, Jinjiang, Chengdu, Chongqing, Suzhou, Zibo at Tianjin.
Ang mga aklatang ito ay proyektong itinataguyod sa pakikipagtulungan sa Little Free Library (LFL), isang international nonprofit organization na isinisulong ang hilig sa pagbabasa, pagkakaroon ng kapatiran at sinusuportahan ang pagkamalikhain sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga mga libro sa iba't ibang panig ng mundo.
Ang Little Free Library ay tinatawag na "pinakamalaki't pinakamaliit na aklatan sa daigdig." Bakit pinakamaliit? Dahil 60 sentimetro hanggang mga 1 metro lang ang laki ng bawat aklatan. Pero pinakamalaki ang saklaw nito, dahil mahigit 70,000 katulad na aklatan ang makikita sa mahigit 80 bansa sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Lampas sa 5 milyon ang kabuuang bilang ng koleksyon ng mga aklat. Sa pamamagitan ng mga aklatang ito, ilang milyong libro ang inaipagpapalit-palit sa pagitan ng mga mambabasa bawat taon.
Mas malaki ang mga bagong bukas na Little Free Library sa mga SM Mall sa Tsina. Mahigit 20 metro kuwadrado ang laki ng bawat aklatan. Ayon sa SM China executives, bumili sila ng halos 100 bagong libro para sa bawat aklatan.
Palagiang pinag-uukulan ng SM China ng pansin ang pagbabasa ng mga kabataan. Mula noong 2011, ipinakilala sa Tsina ang SM Children's Book Reading Day na inilunsad ng SM Cares, isang proyekto ng SM Prime na nasa ilalim ng corporate social responsibility nito. Idinaraos ang nasabing aktibidad tuwing ika-3 Martes ng Hulyo kada taon.
Si Johanna Melissa N. Rupisan, Head of Operations for SM China
Ginanap nang araw ring iyon ang 2018 SM Children's Book Reading Day. Ipinahayag ni Johanna Melissa N. Rupisan, Head of Operations for SM China, na "Sa loob ng nakalipas ng pitong taon, sa pamamagitan ng book reading day, tanging isang araw lang, bawat taon ang inilalan namin para sa pagbabasa. Pero ngayong taon, nais naming tumaas ng isang baytang, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng aklatan kung saan maaaring dalhin ng mga magulang ang kanilang mga anak, magkasamang magbasa at maramdaman na tila nasa bahay lang sila." Dagdag pa niya, ang nasabing 8 aklatan ay naglilingkod, pangunahin na, sa mga bata. Libre ang mga aklatan, walang bayad na makapagbabasa ang mga bata ng lahat ng mga libro sa loob ng aklatan. Kung may gusto silang libro, maaari nilang palitan ito ng dala nilang sariling libro.
Ginawaran ng LFL ng Reading and Community Engagement Award ang SM China.
Bilang papuri sa walang sawang pagsuporta ng SM China sa pagbabahagi ng pagmamahal sa pagbasa, karunungang bumasa't sumulat at pagpapahigpit ng ugnayan ng mga komunidad, ginawaran ng LFL ng Reading and Community Engagement Award ang SM China. Ipinahayag ni Todd Bol, Tagapagtatag ng LFL, na "Isa sa mahalagang bagay tungkol sa Little Free Library ay, kapag nagkaroon ka ng isa, lumalaki ito at nagiging sampu, ang mga ito ay kusang lumalaki, at ang katunayang binuksan ang aklatan sa SM Malls sa Tsina, ay nangangahulugang magkakaroon ng sampu, isang daan, isang libo, sampung libo, sigurado akong magkakaroon ng pagbabago sa Tsina, dahil sinimulan ng SM Malls ang pagtatatag ng mga aklatan, pagpapakilala sa mga ito at pagtanggap sa importanmsya ng pagbabasa."
Ulat : Vera
Pulido: Mac
Larawan: SM China
Web Editor: Vera