Si Ambassador Chito Sta. Romana (ikalawa sa kaliwa) kasama si Jensen Moreno (ikatlo sa kanan)
Sa Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing, Setyembre 21, 2018, idinaos ang VIP Opening ng 6th solo painting exhibition ni Jensen Moreno. Ang World Class exhibition ay itinaon sa ASEAN Ladies Circle, buwanang pagtitipon ng mga kababaihang diplomata mula sa mga pasuguan ng Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand at Vietnam. Dumalo rin si Ambassador Jose Santiago Sta. Romana sa nasabing pagtitipon.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Jensen Moreno na isang karangalan ang maipakita ang kanyang masterpieces. Ang painting na "Mariposa" aniya ay salamin ng makulay na kabataan. Sa panahong iyon, balik-tanaw ng UST alumna, kanyang hinabol ang mga paru-paro habang naglalaro. At ngayon, patuloy ang paghabol sa mga pangarap bilang isang pintor sa iba't ibang bahagi ng mundo. Isang paglipad tungo sa pambihirang mga oportunidad at makakilala ng mga pambihirang tao.
Mariposa
Mga masterpieces ni Jensen Moreno tampok ang kilalang mga alagad ng sining
Makikita sa eksibisyon ang mga portraits ni Jensen Moreno ng mga "world class" na personahe kabilang ang mga kilalang mga alagad ng sining, lider at bayani ng mga bansa.
Bubuksan sa publiko ang eksibisyon simula Setyembre 25 at tatagal hanggang ika-28. Maaaring magsadya sa Pasuguan ng Pilipinas mula 9:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ulat at larawan: Mac Ramos