Shanghai -- Opisyal nang binuksan ngayong araw, Nobyembre 6, 2018 ang pambansang pabilyon ng Pilipinas sa idinaraos na unang China International Import Expo (CIIE), pinakamalaking ekspo ng Tsina.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Ramon M. Lopez, Kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI) ang Tsina sa pag-imbita nito sa Pilipinas na lumahok sa nasabing ekspo.
Kalihim Ramon Lopez habang nagtatalumpati
Aniya, ang CIIE ay isang testamento sa kagustuhan ng Tsina na magkaroon ng liberalisasyon ng trade.
Tunay ngang napakapalad ng Pilipinas na magkaroon ng puwesto sa napaka-importanteng ekspong ito, saad ni Lopez.
Sinabi ng kalihim na ang hakbang na ito ng Tsina ay isang buhay na testamento sa pagkakaibigan at matibay na relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Bago pa man dumating ang mga Europeo sa dalampasigan ng Pilipinas, ang mga ninunong Pilipino at Tsino ay matagal nang may malusog na pagpapalitan, na nagsimula pa noong ika-9 na siglo, diin ng kalihim.
Nagpasalamat din si Lopez kay Zhong Shan, Ministro ng Komersyo ng Tsina sa pagbibigay niya ng magandang lokasyon sa pabilyon ng Pilipinas.
Mula sa kanan: Carlos Chan Sr., Chairman Emeritus ng Liwayway Marketing Corporation; Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina; Ramon Lopez, Kalihim ng DTI; Zhong Shan, Ministro ng Komersyo ng Tsina; Nora K. Terrado, Undersecretary ng DTI; Alfredo Cuyugan, Consul General ng Konsulada ng Pilipinas sa Shanghai
Ani Lopez, ipinakikita ng pambansang pabilyon ang mga bentahe ng Pilipinas bilang destinasyon para sa paglalagak ng puhunan, turismo, at trade.
Ang Pilipinas aniya ay nakikilahok sa CIIE upang maipakita sa mga kaibigang Tsino mula sa sirkulo ng negosyo kung ano ang maihahain ng bansa para sa kanila.
Pagtatanghal sa Pambansang Pabilyon ng Pilipinas
Kaya naman, sa unang CIIE, ipinagmamalaki ng Pilipinas na nabigyan ito ng mga pambansa at enterprises na mga pabilyong may kabuuang lawak na mahigit 136 na metro kuwadrado, na nagbabahay sa 57 exhibitor: 36 mula sa sektor ng commodity at serbisyo, 11 mula sa mga unibersidad, at 10 mula sa mga partner na kompanya at ahensiya ng pamahalaang Pilipino.
Ibat-ibang atraksyon ng Pambansang Pabilyon ng Pilipinas
Marami aniyang ma-i-a-alok ang Pilipinas sa mga kaibigang Tsino, pagdating sa oportunidad sa paglalagak ng puhunan, tulad ng pagbuo at paggawa ng piyesa ng regular na bisikleta, de-kuryenteng bisikleta, de-kuryenteng pampublikong transportasyon, bus at trak.
Bukod dito, nariyan din ang manupaktura sa light industries, tulad ng matataas na uri ng tela at kasuotan, bag at marami pang iba, dagdag niya.
Diin ni Lopez, malaki rin ang oportunidad sa paggawa ng mga solar photovoltaic, electromechanical na bagay, salamin, pagpoproseso ng high value-added na pagkain at produktong dagat, imprastruktura, proyektong panturismo, e-commerce at marami pang iba.
Maliban sa mga ito, sinabi pa ng kalihim na ang ekonomiya ng Pilipinas ay isa sa mga pinakamabilis na lumaki sa Asya at isa rin sa may pinakamalaking domestikong merkado para sa mga consumer good.
Ang bansa aniya ay mayroong bata, malawak, inobatibo at murang lakas-manggagawa na kayang umagapay sa nagbabagong teknolohiya.
Mayroong umaahon na sektor ng manupaktura ang Pilipinas, na umaalintana sa inklusibo at inobatibong industriyalisasyon, aniya pa.
Ang bansa anang kalihim ay mayroon ding umuusbong na kapaligiran sa pagsisimula ng negosyo, na may kapabilidad sa embedded na sistema, teknolohiyang pinansiyal, at artipisyal na intelehensiya (AI).
Ayon sa 2018 Global Competitiveness Ranking ng World Economic Forum (WEF), umakyat sa ika-56 mula sa ika-68 ang puwesto ng Pilipinas pagdating sa usapin ng pagiging kompetetibo.
Sinabi ni Lopez na patuloy na pinipili ng mga dayuhang mamumuhunan ang Pilipinas bilang destination of choice dahil sa mabuting pamumuno at determinasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gumawa ng mga polisiyang magpapabuti sa industriyal na kapabilidad ng Pilipinas.
Ulat/Larawan: Rhio/Lele/
Web-edit: Jade