Magkasamang dumalaw sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Juan Carlos Varela ng Panama sa bagong Cocoli Locks ng Panama Canal nitong Lunes, Disyembre 3, local time.
Napanood ng dalawang pangulo, kasama ng kanilang asawa na sina Peng Liyuan at Lorena Castillo Garcia de Varela, ang pagdaan ng COSCO Shipping Rose, isang container ship ng China Ocean Shipping Company (COSCO) sa locks ng Panama Canal.
Ang nasabing bapor Tsino ay lumisan ng Qingdao, Tsina noong Oktubre 1, nagtungo ng Estados Unidos sa pamamagitan ng Panama Canal at sa kasalukuyan ay dumaraan sa kanal pabalik sa Tsina.
Isinalaysay rin ni Pangulong Juan Carlos Varela kay Pangulong Xi ang hinggil sa kasaysayan ng Panama Canal at plano ng pagpapaunlad nito.
Ang Panama Canal na binuksan noong 1914 ay mahalagang kanal na nag-uugnay sa Pacific at Atlantic.
Sinimulan ni Pangulong Xi ang kanyang dalaw-pang-estado sa Panama makaraang lumahok sa G20 Summit at magsagawa ng dalaw-pang-estado sa Espanya at Argentina. Itinatag ng Tsina't Panama ang relasyong diplomatiko noong Hunyo, 2017.
Salin: Jade
Pulido: Mac
Larawan: CGTN