Beijing--Sa pangunguna ni Ministro at Konsul Heneral Ivan Frank M. Olea, idinaos ngayong araw sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing ang paggunita sa Ika-122 anibersaryo ng pagkamartir ni Dr. Jose Rizal.
Ministro at Konsul Heneral Ivan Frnk M. Olea, habang nagtatalumpati
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Olea, na si Rizal ay may dugong Tsino, at ang kanyang ninuno sa ama na si Ginoong Lam-Co ay isang Tsinong tubong Jinjiang, lalawigan ng Fujian.
Aniya, si Rizal ay isang di-natitinag na testamento ng matibay na ugnayan ng mga Pilipino at Tsino.
Dagdag pa ni Olea, sa pamamagitan ng kanyang matapang na panulat, malinaw na pananalita, at makatotohanang mga ideya, iniwan ni Rizal sa mga Pilipino at mga mamamayan ng buong mundo ang makabuluhang karunungan at di-nagmamaliw na katapangang nagpabago sa kinabukasan ng Pilipinas at naging inspirasyon sa maraming bansa sa buong mundo.
Ministro at Konsul Heneral Ivan Frank M. Olea (kanan) at Ministro Raphael Hermoso (kaliwa) habang nag-aalay ng bulaklak sa rebulto ni Dr. Jose Rizal
Sinipi rin ni Olea ang mga kataga ni Rizal, na "ang buhay ay walang saysay kung hindi ito alinsunod sa isang paninindigan. Ito'y tulad ng isang batong nasa lupa na hindi bahagi ng anumang gusali."
Tulad aniya ng mga Pilipinong nasa ibat-ibang sulok ng daigdig, natutunan ni Rizal na ipasa sa mga susunod na salinlahi ang kalayaang produkto ng karunungan, at karunungang mula sa kalayaan.
Sa pamamagitan ng mensaheng ito, ipinagdiriwang ang Ika-122 Anibersaryo ng Pagkabayani ni Rizal, aniya.
Ipinahayag din ni Olea ang pasasalamat sa mga kaibigang Tsino at lahat ng dumalo sa pagtitipon sa kanilang tulong at pagiging mapagkakatiwalaang katuwang sa pagtatayo ng isang matibay na Relasyong Pilipino-Sino.
Ulat at Larawan: Rhio