Bunsod ng patuloy na bumubuting ugnayan ng Pilipinas at Tsina, patuloy na dumarami ang mga turistang Tsino na dumadalaw sa bansa. Upang higit pang pasiglahin ang ugnayang ito, lumalahok sa 15th China Outbound Travel & Tourism Market (COTTM) sa Beijing ang mga kinatawan ng sektor ng turismo mula sa Pilipinas. Sampung taong nang lumalahok ang Pilipinas sa nasabing tourism expo.
Si Shahlimar Hofer Tamano, Department of Tourism Region 7 Director (kaliwa) sa 15th China Outbound Travel & Tourism Market (COTTM) sa Beijing
Nakikipagsabayan sa pagpo-promote si Shahlimar Hofer Tamano, Department of Tourism Region 7 Director para ipakilala ang mga lalawigan sa Central Visayas. Kanyang ibinida ang mga bagong modernong paliparan sa Mactan, Cebu at Panglao, Bohol na magpapadali sa pagpasok ng mga dayuhan sa rehiyon.
Doris Ramos Aparejado, OIC ng North Asia Division International Promotions Department, ng Tourism Promotions Board Philippines (kaliwa) kasama si Shahlimar Hofer Tamano, Department of Tourism Region 7 Director (kanan)
Sa kanyang presentation naitanong ng mga potential Chinese partners ang isyu ng kaligtasan at seguridad, at hinggil dito siniguro niyang, "Ang priority natin ngayon sa Cebu at sa rehiyon ay security and safety. Marami kaming mga seminars at training. We even have anti-terrorism experts coming to town, galing Scotland Yard to conduct training."
Ang Philippine booth sa COTTM 2019 na nilahukan ng 23 travel and tourism companies na mula sa iba't ibang panig ng bansa
Sa taong ito, sinimulan din ni Tamano na isama ang mga extreme and adventure sports organizers sa kalendaryo ng mga tourism events. Hangad nitong himukin ang dumaraming mga dayuhan, kabilang ang mga Tsino, na mahilig sa free diving, triathlon, long board racing, sky diving, marathon swimming at dragon boat racing.
Maraming tourism packages ang alok ng Region 7 para sa mga turistang Tsino at ang mga ito ay inilahad ni Dir. Tamano sa panayam ni Mac Ramos sa programang mga Pinoy sa Tsina.