Ipinahayag nitong Miyerkules, Hulyo 17 ng Konseho ng Estado, gabinete ng Tsina na ibayo pang palalakasin ng bansa ang pangangalaga sa karapatan ng pagmamay-ari ng likhang-isip (IPR) ng lahat ng mga entidad sa pamilihan, sa pamamagitan ng komprehensibong hakbangin. Ang mga bagong hakbangin ay inaasahang ibayo pang makakabuti sa kapaligirang pangnegosyo ng bansa at hihikayatin ang inobasyong panteknolohiya.
Larawan ng buwan na kuha ng Huawei P30 Pro at ibang telepono, sa pasinaya ng isang produkto ng Huawei, sa Shanghai, Abril 11, 2019. Ang moon shooting mode ng Huawei P30 Pro ay ginawaran ng patente, na mababasa sa isang dokumentong inilabas kamakailan ng State Intellectual Property Office ng Tsina. [Photo: IC]
Ang nasabing mga bagong hakbangin ay nakatuon sa apat na aspekto.
Una, ibayo pang palalakasin ang pagpapatupad ng batas na may kinalaman sa pangangalaga sa IPR, at patas na mapoprotektahan ang legal na karapatan ng iba't ibang entidad ng pamilihan. Makakatulong ito sa paglikha ng mainam na kapaligirang pangnegosyo kung saan nakikipagkompetisyon ang lahat ng mga kompanya, sa ilalim ng magkakapantay na pamantayan, at bunga nito, pasisiglahin ang kanilang sigasig sa inobasyon.
Ikalawa, sususugan ng pamahalaang Tsino ang Patent Law, Copyright Law, at Trademark Law, para pataasin ang kompensasyon sa paglapastangan sa IPR. Ayon sa bagong-susog na Patent Law at Trademark Law, ang pinakamataas na parusang ilalapat sa mga lalabag sa batas ay maaaring maging limang beses ng punitibong kompensasyon o punitive damage: masidhing parusa ayon sa pandaigdig na pamantayan.
Ikatlo, patuloy na pabubutihin ng bansa ang episyensiya ng pagsusuri sa IPR. Hanggang katapusan ng taong ito, babawasan sa 17.5 buwan ang tagal ng pagsusuri sa aplikasyon ng high-value patent, at hindi lalampas sa limang buwan ang karaniwang pagsusuri sa rehistrasyon ng trademark.
Ikaapat, ibayo pang pasusulungin ng bansa ang pakikipagtulungang pandaigdig para mapaginhawa ang pangangalaga sa IPR sa ibayong dagat. Ayon sa IFI Claims, kompanyang Amerikano ng serbisyong pampatente, noong 2018, mahigit 12,500 patente ang nakuha ng mga kompanyang Tsino sa Amerika, at mas mataas ito ng 12% kumpara sa taong 2017. Ayon naman sa datos ng World Intellectual Property Organization, noong 2018, mahigit 5,400 aplikasyon ng patente ang inihain ng Huawei, telecom company ng Tsina, at ito ang pinakamalaking aplikasyon sa daigdig.
Sa kasalukuyan, ang buong mundo ay nasa bagong round ng rebolusyong teknolohikal at transpormasyong industriyal, kung saan ang pangangalaga sa IPR ay nangangahulugan ng proteksyon sa inobasyon. Ang Tsina ay isa sa mga bansang nangunguna sa pagkamalikhain: kabilang ito sa 20 pinakapangunahing bansa ng 2018 Global Innovation Index ng World Intellectual Property Organization. Matatag ang adhikain ng Tsina na palakasin ang pangangalaga sa IPR, dahil ang komprehensibong proteksyon ay napakasusi para mapasulong ang kaunlaran na tinutulak ng inobasyon, at ibayo pang pagbubukas ng pamilihan sa labas.
Salin: Jade
Pulido: Rhio