Bagong progreso sa talastasan sa COC, mainit na tinatanggap ng mga ministrong panlabas ng ASEAN

(GMT+08:00) 2019-08-01 09:07:41       CRI2019-08-01 09:07:42

Ipinahayag ng mga ministrong panlabas ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang mainit na pagtanggap sa pagsisikap at bagong natamong progreso ng ASEAN at Tsina hinggil sa talastasan sa Code of Conduct (COC) in the South China Sea.

Sa pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina at ASEAN sa Bangkok, Thailand, nitong Miyerkules, Hulyo 31, ipinatalastas ni Wang Yi, kalahok na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina na maagang natapos ng dalawang panig ang unang pagbasa sa Single Draft Negotiating Text ng COC. Nagsisilbi itong bago at pangunahing progreso sa konsultasyon hinggil sa COC, at mahalagang hakbang tungo sa target na tapusin ang pagsasanggunian sa loob ng tatlong taon.

Sa magkasanib na komunike ng pulong ng mga ministrong panlabas ng ASEAN, na inilabas nang araw ring iyon, ipinahayag nilang naenkorahe sila sa progreso ng may mahalagang katuturang negosasyon patungo sa maagang pagtatapos ng epektibo at napakahalagang COC, ayon sa takdang iskedyul.

Nilagdaan ng Tsina at ASEAN ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC) noong 2002. Mababasa sa DOC ang mga pinakamahalagang prinsipyo sa paghawak sa mga alitan hinggil sa South China Sea. Nagsimula ang konsultasyon ng dalawang panig hinggil sa COC noong 2013. Layon ng DOC at COC na pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

Salin: Jade
Pulido: Rhio