Idinaos kahapon, Miyerkules, ika-14 ng Agosto 2019, ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) ng Tsina, ang preskon para isalaysay ang mga epektong dulot ng mga ilegal na demonstrasyon sa Hong Kong International Airport.
Sinabi ni Frank Chan, Kalihim ng Transport and Housing Bureau, na nitong nakalipas na 2 araw, nagtipun-tipon ang mga protestador sa Hong Kong International Airport, at binarikadahan nila ang mga departure gate. Dahil dito aniya, hindi maaring normal na tumakbo ang paliparan, at grabe itong nakakaapekto sa abiyasyon, turismo, kalakalan, at lohistika ng Hong Kong.
Buong tinding kinondena rin ni Chan ang mga marahas na aksyong ginawa ng mga protestador nitong gabi ng Martes. Dapat aniya iharap sa batas ang mga may kagagawan. Sa ngalan ng pamahalaan ng HKSAR, humingi siya ng paumanhin sa mga apektadong pasahero, at nagpahayag din ng pagmamalasakit sa mga nasugatan.
Ayon naman kay Fred Lam, Chief Executive Officer ng Airport Authority Hong Kong, dahil sa mga ilegal na demonstrasyon, 2-araw na suspendido ang takbo ng paliparan, at 979 na flight ang nakansela.
Isinalaysay naman ni Edward Yau, Kalihim ng Commerce and Economic Development Bureau, ang mga negatibong epekto sa kabuhayan ng Hong Kong na dulot ng kasalukuyang kaguluhan. Halimbawa aniya, noong unang 10 araw ng Agosto, bumaba ng mahigit 30% ang bilang ng mga turista sa Hong Kong kumpara sa gayon ding panahon ng nagdaang taon. Inilabas na ng 28 bansa ang travel advisory na nakatuon sa Hong Kong, dagdag niya.
Salin: Liu Kai