Idinaos dito sa Beijing Miyerkules, Agosto 21, 2019 ang ika-9 na pulong ng mga ministrong panlabas ng Tsina, Hapon at Timog Korea. Nangulo sa pulong si Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina. Kalahok dito ang kanyang mga counterpart na sina Kang Kyung Wha ng Timog Korea at Taro Kono ng Hapon.
Saad ni Wang, ang kasalukuyang taon ay ika-20 anibersaryo ng kooperasyon ng tatlong bansa. Aniya, ang kanilang kooperasyon ay hindi lamang nakapagpasulong sa sariling pag-unlad ng tatlong bansa, kundi gumawa rin ng mahalagang ambag para sa kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng daigdig. Dapat aniyang magkasamang magsikap ang tatlong bansa, para mapasulong ang pagtamo ng kanilang kooperasyon ng mas masaganang bunga sa susunod na 20 taon.
Binigyan naman ng mga ministro ng Hapon at Timog Korea ng positibong pagtasa ang natamong bunga ng trilateral na kooperasyon nitong nakalipas na 20 taon, at lubos na pinapurihan ang mahalagang katuturan ng kanilang kooperasyon para sa sarili nilang pag-unlad at kapayapaan ng rehiyon. Sinang-ayunan nilang pangalagaan ang bilateral na relasyon ng tatlong bansa, pasulungin ang trilateral na kooperasyon, pabilisin ang talastasan sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) at malayang sonang pangkalakalan ng Tsina, Hapon, at Timog Korea, at magkakasamang pangalagaan ang multilateralismo at malayang kalakalan.
Pinagtibay sa pulong ang concept paper hinggil sa kooperasyon ng Tsina, Hapon, Timog Korea plus X.
Salin: Vera