Tsina at Malaysia, palalakasin ang kooperasyon at pasusulungin ang pagsasanggunian sa COC

(GMT+08:00) 2019-09-13 16:24:23       CRI2019-09-13 16:24:24

Magkakahiwalay na nakipagtagpo kahapon, Huwebes, ika-12 ng Setyembre 2019, sa Beijing, sina Pangalawang Pangulong Wang Qishan, Direktor Yang Jiechi ng Tanggapan ng Sentral na Komite sa mga Suliraning Panlabas, at Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, kay Saifuddin Abdullah, dumadalaw na Ministrong Panlabas ng Malaysia.

Ipinahayag ng panig Tsino, na nitong ilang taong nakalipas, malalim na umuunlad ang komprehensibo at estratehikong partnership ng Tsina at Malaysia, at nagdudulot ito ng mga aktuwal na benepisyo sa kani-kanilang mga mamamayan. Kailangan anilang pasulungin ng dalawang bansa ang pragmatikong kooperasyon sa iba't ibang larangan, sa ilalim ng pandaigdig na kooperasyon ng Belt and Road. Umaasa rin ang panig Tsino, na sasamantalahin ng dalawang panig ang bagong tatag na mekanismo ng bilateral na pagsasanggunian sa mga isyung pandagat, para pangalagaan ang kapayapaan at katatagan sa South China Sea.

Sinabi naman ng opisyal Malay, na aktibong kumakatig at lumalahok ang bagong pamahalaan ng Malaysia, sa Belt and Road. Nakahanda rin aniya ang kanyang bansa, kasama ng Tsina, na pasulungin ang pagsasanggunian sa Code of Conduct sa South China Sea.

Salin: Liu Kai