Kalakalang pang-agrikultura ng Tsina't Biyetnam, lumaki nang mahigit 92%

(GMT+08:00) 2019-09-18 11:59:06       CRI2019-09-18 11:59:07

Ayon sa pinakahuling datos na inilabas nitong Martes, Setyembre 17, ng adwana ng lalawigang Yunnan sa dakong timog-kanluran ng Tsina, mula Enero hanggang Agosto ng taong ito, lumampas sa 6.3 bilyong yuan rmb (889 na milyong dolyares ) ang halaga ng mga agrikultural at kakambal na produktong inangkat at iniluwas sa pamamagitan ng Hekou, puwerto sa hanggahan ng Tsina't Vietnam. Mas mataas ito nang 92.9% kumpara sa gayunding panahon ng taong 2018.

Paliwanag ng nasabing adwana, ang naturang mabilis na paglaki ng pag-aangkat at pagluluwas ay bunga ng paglulunsad ng "green channel" sa pagitan ng Hekou, Tsina at Lao Cai, Vietnam, para mapaginhawa ang pagdaan sa mga prosidyur ng adwana ng mga buhay at sariwang paninda, at mga produktong madaling mabulok. Inilunsad ang nabanggit na green channel sa hanggahan ng dalawang bansa noong Disyembre 28, 2018.

Salin: Jade
Pulido: Rhio