Shanghai - Pinangunahan ngayong araw, Nobyembre 6, 2019 ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Abdulgani M. Macatoman ang pagbubukas ng Pabilyon ng Pilipinas sa Ika-2 China International Import Expo (CIIE).
Tinaguriang "Food Philippines Pavilion," tampok ng pabilyon ang malulusog at organikong produktong pagkain at produktong Halal ng Pilipinas.
Pormal na pagbubukas ng Food Philippines Pavillion
Sa kanyang pambungad na talumpati, sinabi ni Usec. Macatoman na ang delegasyon ng Pilipinas sa CIIE ngayong taon ay binubuo ng 139 katao, at 32 sa mga ito mga eksibitor sa nasabing pabilyon.
"Sa pamamagitan ng partisipasyong ito, ipagpapatuloy natin ang pagpapabuti ng bilateral na relasyong pangkalakalan ng Pilipinas at Tsina, kasabay ng pagpapanday ng mas matibay na bigkis sa pamamagitan ng pagbabahagi ng aming mayamang kultura ng pagkain sa Tsina at iba pang mga bansa ng daigdig," ani Macatoman.
Usec Macatoman habang nagbibigay ng talumpati
Ipinagmalaki rin niyang, sa 32 eksibitor, 19 sa mga ito ang nagtatampok ng produktong Halal.
"Ito ay alinsunod sa tugon ng Pilipinas sa napakabilis na paglaki ng sektor ng kalusugan sa pandaigdigang merkado," dagdag niya.
Binigyang-diin pa ng nasabing opisyal na nais ng Pilipinas na palakasin ang puwesto nito bilang isa sa mga nangungunang manlalaro sa larangan ng malusog na pagkain.
Sa loob ng pagdaraos ng Ika-2 CIIE, ipakikita aniya ng mga eksibitor na Pilipino ang ibat-ibang dekalidad at inobatibong produktong naaayon sa pangangailangan ng kasalukuyang pandaigdigang merkado, na tulad ng mga produktong mula sa niyog at saging na siyang pangunahing produktong iniluwas ng bansa sa Tsina noong 2018.
Bukod dito, isa pang atraksyon ng pabilyon, ani Macatoman ay ang pagdaraos ng araw-araw na demonstrasyon ng pagluluto.
Ito aniya ay para maipatikim sa mga kaibigang Tsinong dumadalaw sa pabilyon ang mga produktong gaya ng ini-prosesong produktong prutas, pagkaing-dagat at marami pang iba.
Ang demonstrasyong pangkulinarya ay gagawin ni Chef Bea Nitard ng Pilipinas.
Pinasalamatan din ni Macatoman ang Tsina at mga tagapagsulong ng CIIE, sa kanilang napakahalagang tulong sa pagtatayo ng "Food Philippines Pavilion."
Samantala, kasabay ng pagbubukas ng pabilyon ng Pilipinas, pinirmahan din ng isang eksibitor na Pilipino (Eng Seng Food Products) at Sunlon Company ng Tsina ang kasunduan ng pag-aangkat ng mga produktong niyog, durian, pinya at saging na nagkakahalaga ng mahigit $USD100 milyong dolyar.
Pagpirma ng kontrata ng pag-aangkat sa pagitan ng Eng Seng at Sunlon
Ayon kay John C. Tan, Presidente ng Eng Seng Food Products, sisimulan na nila ang pagdedeliber sa Tsina ng nasabing mga produkto ngayong Nobyembre.
Aniya pa, simula pa lamang ito, at marami pang kooperasyon ang nakaumang sa hinaharap.
Napakainam aniya ng relasyon ng Pilipinas at Tsina kaya naman patuloy na lumalakas ang relasyong pangkalakalan ng dalawang bansa.
Sa pamamagitan nito, maraming trabaho ang malilikha para sa mga Pilipinong magsasaka, ani Tan.
Ang CIIE ay isa sa mga napakahalagang hakbang ng Tsina upang suportahan ang liberalisasyon ng kalakalan, globalisasyong pang-ekonomiya at aktibong pagbubukas ng pamilihang Tsino sa mundo.
Ito rin ay isang lakas-panulak na magpapasigla sa kooperasyong pang-ekonomiya at kalakalan, ng ibat-ibang bansa at rehiyon at magpapayabong at magbubukas ng ekonomiya ng mundo.
Ang CIIE ay isang primera-klaseng ekspo na magbibigay ng bagong plataporma para sa ibat-ibang bansa at rehiyon upang magkalakalan, magpalakas ng kooperasyon, at mag-promote ng komong kaunlaran.
Ang Ika-2 CIIE ay idinaraos sa lunsod Shanghai ng Tsina, Nobyembre 5 hanggang 10, 2019.
/end/rhio/lito//