Bilang tugon sa sinabi ng Kagawaran ng Estado ng Amerika, na naganap ang diskriminasyon sa mga Aprikano sa gitna ng pagpapatupad ng mga patakaran ng pagpigil at pagkontrol sa COVID-19 sa Tsina, sinabi kahapon, Lunes, ika-13 ng Abril 2020, ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ito ay walang batayang akusasyon.
Dagdag ni Zhao, sa paglaban sa COVID-19, pinahahalagahan ng pamahalaang Tsino ang buhay at kalusugan ng lahat ng mga dayuhan sa Tsina. Pantay-pantay na pinakikitunguhan ang mga dayuhan, at walang naganap na magkakaibang pakikitungo, diin niya.
Isinalaysay din ni Zhao, na sa mahigit 3000 estudyanteng Aprikano sa lunsod ng Wuhan at lalawigang Hubei na malubhang apektado ng COVID-19, isa lamang ang nagkasakit, pero gumaling naman kaagad.
Pagdating naman sa pagkabahala ng mga Aprikano sa lalawigang Guangdong, sinabi ni Zhao, na sinusubaybayan ito ng mga lokal na awtoridad, at isinasagawa rin ang mga bagong hakbangin bilang tugon. Nananalig aniya siyang maayos na malulutas ang isyu, sa pamamagitan ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansang Aprikano.
Salin: Liu Kai