Nanawagan nitong Sabado, Hunyo 6, 2020 si Pangulong Abdel Fattah al-Sisi ng Ehipto na lutasin ang krisis ng Libya sa paraang pulitikal. Sinabi pa niyang ang seguridad ng Libya ay may kaugnayan sa kaligtasan at katatagan ng buong rehiyon.
Pagkatapos ng kanyang pakikipag-usap nang araw ring iyon kina Khalifa Haftar, eastern-based military leader ng Libya, at Aguila Saleh, Libyan Parliament Speaker, nanawagan ang lider ng Ehipto sa iba't-ibang nagsasagupaang panig ng Libya na itigil ang pagsasagupaan mula Hunyo 8, idaos ang halalan ng konsehong pamparliamento sa ilalim ng superbisyon ng United Nations (UN), at balangkasin ang deklarasyong konstitusyonal.
Diin pa niya, dapat igalang ang mga ginagawang pagsisikap at inisyatiba ng UN tungkol sa isyu ng Libya.
Salin: Lito