Unang Pilipinong martir para sa kasarinlan: Tarik Sulayman

(GMT+08:00) 2020-06-12 16:09:59       CRI2020-06-12 16:10:00

Rhio Zablan

Hunyo 12, 2020, Beijing, Tsina - Sa tuwing ipinagdiriwang ang anibersaryo ng ating pagkakahulagpos mula sa mga mapang-api at mapang-aliping kamay ng mga Espanyol, laging tumitimo sa ating isipan ang mga pangalang Jose Rizal; Andres Bonifacio at magigiting na mandirigma ng Katipunan; Marcelo H. Del Pilar; Emilio Aguinaldo; mag-asawang Diego at Gabriela Silang ng Ilocos; Dagohoy ng Bohol; Sultan Kudarat ng Maguindanao; at siyempre, ang kauna-unahang Pilipinong nakipagdigma laban sa pang-aapi at pang-aalipin gamit ang katutubong kaparaanan sa pakikipagtunggali na (ARNIS/ESKRIMA/KALIS), Kalipulako o Lapulapu, ang Lakan ng Mactan at Cebu.

Ang kanilang kagitingan, sakripisyo, at prinsipyong ipinaglaban kontra kolonyalismo ay mga ginintuang-aral na kailanman ay hindi dapat malimutan ng kahit sinumang Pilipino.

Pagmamahal sa tinubuang lupa, pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan, pagsusulong ng kasaganaan, pagpapalaganap ng kapayapaan, pagtatamasa ng kalayaan, at pagkakaroon ng dignidad bilang isang nasyon: ilan lamang ang mga ito sa mga ipinagbuwis ng buhay ng ating magigiting na bayani - mga simulaing ating dapat ipagpatuloy at pagyamanin.

Sa ating paggunita sa ika-122 taong kasarinlan ng ating bayan, huwag sana nating iwaglit ang mga aral ng nakaraan - ang madidilim na kabanata sa kuwento ng Pilipinas sa ilalim ng mga salahulang Espanyol; ang mga kababaihan, matatanda at mga bata sa Balangiga na walang-awang pinagpapaslang ng mga Amerikano; at ang libu-libong sundalong Pilipino na nangamatay sa gutom, uhaw at pagod habang pinagmamartsa ng mga Hapones mula sa Corregidor, Bataan hanggang Capas, Tarlac.

Hindi ko hangad isulong ang pagkamuhi sa ibang lahi, pero, ang nais ko lamang ay huwag sana tayong maging makakalimutin: mahalaga ang aral ng kasaysayan upang hindi na ito muli pang mangyari.

Ayon nga sa ating matandang kasabihan, "ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa paroroonan."

Sa katulad na paraan, kung tayong mga Pilipino ay mangmang sa ating tunay na kasaysayan at pamana ng ating mga ninuno, hindi natin mararating ang hinahangad na pag-unlad at kasaganaan.

Kaya naman, bilang pagbubunyi sa ating Ika-122 Taong Kasarinlan, nais kong hatiran kayo ng isang kuwentong hindi madalas mabanggit sa ating mga aklat ng kasaysayan, at ito ay tungkol sa kauna-unahang Pilipinong naging martir dahil sa pagtatanggol sa tinubuang-lupa.

Unang Pilipinong martir para sa kasarinlan: Tarik Sulayman

Larawan ni Tarik Sumaylan

Ang kanyang pangalan?

Tarik Sumaylan, Lakan ng Pampanga.

Ang nasyon ng mga Kapampangan ay bumubuo sa malaking bahagi ng Kaharian ng Luzon.

"Sila ay isa sa mga tinatawag na Lucoes, 'mamamayan ng Luzon,' na nakilala ng mga Portuges sa kanilang maagang pagpunta sa Timogsilangang Asya noong mga unang dako ng ika-16 na siglo [unang dako ng 1500's] (Scott, 1994).

Bago ang pagdating ng mga Espanyol, ang politikal na hanggahan ng Pampanga o nasyon ng mga Kapampangan ay sumasakop sa malawak na bahagi ng gitnang kapatagan ng Luzon, mula sa silangang dalampasigan ng Peninsula ng Bataan [sa gawing timog-kanluran] hanggang sa Baybayin ng Casiguran, Aurora [gawing hilagang-silangan] (Murillo Velarde, 1744; San Antonio, 1744; Beyer, 1918; Henson, 1965; Larkin, 1972; and Tayag, 1985).

Kaugnay nito, ang sinasambit na wika sa Tondo, kabisera ng Kaharian ng Luzon ay Kapampangan (Loarca, 1583; B&R, 1905; and Tayag, 1985).

Ayon kay Jose Villa Panganiban, dating Komisyoner ng Institute of National Language, ang Ilog Pasig na naghihiwalay sa Tondo at Maynila ay siya ring naghihiwalay sa hanggahan ng teritoryo ng mga Kapampangan at Tagalog (Tayag, 1985).

Sa madaling salita, lahat ng teritoryo sa timog ng Ilog Pasig ay nasa ilalim ng Kaharian ng Maynila, samantalang lahat ng teritoryo sa hilaga ng Ilog Pasig ay nasa ilalim ng Kaharian ng Luzon.

Ibig ding sabihin, halos lahat ng nasasakupan ng Kaharian ng Luzon ay nabibilang sa Pampanga.

Samantala, sa tulong ng mga mandirigma ng Bohol, Cebu, at Panay, na bihasa sa katutubong kaparaanan sa pakikipagtunggali (ARNIS/ESKRIMA/KALIS), nagtagumpay ang mga kakarampot na Espanyol na makubkob ang Maynila, at dahil dito, napuwersa ni Miguel Lopez de Legazpi sina Rajah Matanda, at Rajah Sulayman [mga hari ng Maynila] at Lakan Dula [hari ng Tondo, Luzon] na makipagkasundo at makipag-Sandugo sa kanya.

Subalit, nang magpadala ng mga mensahero si Legazpi sa iba pang lider ng Luzon na humihingi ng kanilang pagpapasailalim sa hari ng Espanya, si Tarik Sulayman ang unang nagtaas ng kamao bilang pagsalungat sa mga mananakop.

Sa aklat ni Nick Joaquin, Pambansang Alagad ng Sining sa Literatura, na "Manila, My Manila," sinabi niyang "Isang lider Kapampangan, hari ng Macabebe ang naghimutok sa galit nang marinig niya ang pakay ni Lageazpi. Nanawagan siya sa mga datu ng Pampanga na samahan siya upang itaboy ang mga dayuhang mananakop. Isang armada na binubuo ng 40 bangkang pandigma na armado ng mga lantaka [sariling-gawang kanyon ng mga Pilipino] ang tinipon para sa labanan. Naglayag ang mga ito sa Ilog ng Pampanga, sakay ang nasa 2,000 mandirigma, na pinamumunuan mismo ng Lakan Macabebe [Pampanga]."

Unang Pilipinong martir para sa kasarinlan: Tarik Sulayman

Estatuwa ni Tarik Sulayman sa Macabebe, Pampanga

Sa opisyal na tala ng mga Espanyol, hindi pinangalanan ang Lakan ng Pampanga, at tinawag lamang siyang "batang matapang."

Subalit, ayon sa mga historyador ng Pampanga, ang "batang matapang" sa tala ng mga Espanyol ay walang iba kundi si Tarik Sulayman o kilala rin sa tawag na Bambalito.

Ayon pa sa maraming eksperto, ibang tao ang Tarik Sulayman ng Pampanga sa Rajah Sulayman ng Maynila.

Nang magkita ang mga puwersa ni Tarik Sulayaman at ni Legazpi sa gawi ng Tsanel ng Bangkusay, nagkaroon ng negosasyon ang dalawang panig.

Tungkol dito, sinabi ni Nick Joaquin, "Biglang tumayo ang hari ng Macabebe [Pampanga], binunot ang kanyang espada at sinabing nawa'y biyakin ng araw ang aking katawan, at ako'y maging kahiya-hiya sa mata ng aking mga asawa kung ako'y makikipagkaibigan sa mga Kastila!"

Ayon pa kay Joaquin, habang itinuturo ni Tarik Sulayman ang kanyang espada sa opisyal Espanyol, isinigaw niyang, sabihin mo sa iyong amo, na kailangan naming magkaroon ng digmaan at hindi kapayapaan, at hinahamon ko siya sa labanan sa katubigan ng baybayin [Bangkusay]. Matapos ito, tumalon si Tarik Sulayman, palabas mula sa bintana at lumangoy pabalik ng kanyang bangkang pandigma.

Hunyo 3, 1571, naganap ang Labanan sa Bangkusay sa pagitan ng mga Kapampangan, sa pamumuno ni Tarik Sulayman laban sa pinagsamang puwersa ng mga Tagalog, Cebuano, Boholano, Panay at Espanyol sa ilalim ng pamumuno ni Legazpi.

Natalo ang mga mandirigma ng Pampanga at nasawi sa pakikipaglaban ang "batang matapang," na si Tarik Sulayman.

Sa kuwentong ito, makikita ang taktikang ginamit ng mga Espanyol upang masakop ang Pilipinas - Pilipino laban sa Pilipino.

Para sa mga sinaunang Pilipino, ang Sandugo ay isang banal na rituwal ng pagkakapatiran, subalit para sa mga Espanyol, ito ay isang oportunidad upang paghiwalayin at pag-awayin ang mga kaharian ng sinaunang Pilipinas, para madali nilang magapi.

Kasama sa taktikang Espanyol ay ang pagpapalaganap ng Katolisismo, upang makontrol ang pag-iisip ng mga sinaunang Pilipino.

Nasakop ng iilang Espanyol ang Pilipinas, hindi dahil sa lakas ng kanilang armas, o superyor na paraan pakikipaglaban, at mas lalong hindi sila superyor na nilalang kumpara sa mga Pilipino!

Nasakop nila ang Pilipinas dahil walang pagkakaisa ang mga sinaunang Pilipino, at ginamit nila ang Sandugo upang paniwalain ang ating mga ninuno na sila ay kaibigan, at nang sa ganoon ay mahingi ang kanilang tulong sa pakikipagdigma at pananakop sa iba pang kaharian ng Pilipinas, tulad ng Kaharian ng Maynila at Kaharian ng Luzon.

Ang taktikang ito ay paulit-ulit nilang ginawa hanggang sa makuha nila ang halos lahat ng isla ng Pilipinas, maliban sa Mindanao.

Ito ang dahilan kung bakit nasadlak ang mga Pilipino sa pagiging alipin.

Unang Pilipinong martir para sa kasarinlan: Tarik Sulayman

Mapa ng sinaunang Pampanga

Si Tarik Sulayman, Lakan ng Pampanga at mga mandirigmang Kapampangan ay ang mga unang Pilipinong martir na nag-alay ng buhay para sa kasarinlan, subalit hindi sila ang huli, libu-libo pang magigiting na Pilipino ang sumunod sa kanilang mga yapak, at lahat ay nagbuwis ng buhay para sa pangarap na kalayaan at kasagaan para sa inang bayan.

Sa ngayon, wala na ang mga Espanyol, wala na rin ang mga Amerikano at nagapi na natin ang mga Hapon, subalit hindi pa tapos ang laban.

Patuloy pa rin ang ating pakikipagdigma laban sa karalitaan at di-pagkakapantay-pantay.

Sa pagdiriwang na ito ng ating Ika-122 Kasarinlan, sana'y maging manining na tala na mag-iilaw sa ating landas na daraanan ang halimbawa at sakripisyo ng "batang matapang" na si Tarik Sulayman.

At nawa ay hindi kailanman maulit ang kasaysayan na maghaharap muli sa prontera ng digmaan ang parehong Pilipino.