Patuloy na nakikialam ang Amerika sa isyu ng karapatang pantao sa Xinjiang at patakaran ng pamamahala ng Tsina sa Xinjiang; at ito ay labag sa pandaigdigang batas at pundamental na prinsipyo ng relasyong pandaigdig. Ang patakaran ng Tsina sa Xinjiang ay kabilang sa mga suliraning panloob ng Tsina, at buong tatag na tinututulan ng pamahalaan ng Tsina at mga mamamayang Tsino ang pakikialam ng sinuman sa usaping ito.
Ito ang tinukoy ng Ministring Panlabas ng Tsina sa pahayag na ipinalabas Hunyo 18, 2020, pagkatapos lagdaan ni Pangulong Donald Trump ng Amerika ang umano'y "Uygur Human Rights Policy Act of 2020."
Tinukoy din ng pahayag na ang mga isyu ng Xinjiang ay hindi isyu ng karapatang pantao, nasyonalidad o relihiyon.
Ito ay isyu ng paglaban sa terorismo at separatismo.
Ang mga patakaran na isinasagawa ng Tsina sa Xinjiang ay hindi lamang angkop sa mga batas ng bansa, kundi kongkreto ring mga hakbangin para sa pagsasakatuparan ng mga mungkahi ng komunidad ng daigdig sa paglaban sa terorismo.
Sinabi ng pahayag na ang aksyon ng Amerika ay lubos na nagpapakita ng masamang layunin ng administrasyon ni Donald Trump upang pinsalain ang soberanya, kaligtasan, at kasaganaan ng Tsina.
Ipinagdiinan pa ng pahayag na ang mga suliranin ng Xinjiang ay mga suliraning panloob ng Tsina at walang anumang ibang bansa ang may kapangyarihan na makialam dito.
Dapat agarang itigil ng Amerika ang aksyong nito, dahil kung hindi, mapipilitang isagawa ng Tsina ang mga ganting hakbangin, mariing saad ng pahayag.
Salin:Sarah