Tinawagan nitong Martes, Hulyo 14, 2020 ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina si Punong Ministro Lee Hsien Loong ng Singapore.
Bumati muna si Xi sa pagtatagumpay ng People's Action Party na pinamumunuan ni Lee sa pambansang halalan.
Saad ni Xi, nananalig siyang sa ilalim ng pamumuno ni Lee, tiyak na pagtatagumpayan ng mga mamamayang Singaporean ang pandemiya ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa lalong madaling panahon, at panunumbalikin ang kasiglahan ng kabuhaya't lipunan. Patuloy na bibigyan ng panig Tsino ng matatag na suporta ang panig Singaporean.
Diin ni Xi, ang kasalukuyang taon ay ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Singapore. Dapat aniyang isagawa ng kapuwa panig ang mga aktibidad ng pagdiriwang, sa pamamagitan ng iba't ibang porma.
Dagdag niya, patuloy na palalalimin ng Tsina ang reporma at pagbubukas, at pabubutihin ang kapaligirang pangnegosyo. Umaasa rin siyang ipagkakaloob ng panig Singaporean ang mainam na kondisyon para sa mga aktibidad na pangkabuhayan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Singapore.
Ipinahayag naman ni Lee na sa proseso ng paglaban sa pandemiya, kinatigan at tinulungan ng dalawang bansa ang isa't isa, bagay na nagpatingkad ng positibong papel para sa pagpawi ng Singapore ng pandemiya.
Nakahanda aniya ang kanyang bansa na palakasin ang kooperasyon sa Tsina sa iba't ibang larangan, at pasulungin ang pagpapanumbalik at pag-unlad ng kabuhayan.
Saad niya, nakahanda ang Singapore, kasama ng Tsina, na magkasamang pangalagaan ang malaya't bukas na kalakalan, at igarantiya ang walang sagabal na supply chain at industry chain ng rehiyon.
Winewelkam din niya ang aktibong pagsali ng mga bahay-kalakal na Tsino sa konstruksyong pangkabuhayan ng Singapore.
Salin: Vera