Ang 23rd Shanghai International Film Festival (SIFF) ang kauna-unahang film festival na gaganapin sa Tsina matapos magulantang ng COVID-19 pandemic ang buong mundo. Magbubukas ang SIFF sa Hulyo 25 at tatagal ito hanggang Agosto 2, 2020.
Nakatakda sanang ganapin ang SIFF noong Hunyo 13 hanggang 22, pero ipinagpaliban ito dahil sa krisis pangkalusugan ng COVID-19. Ngayong taon, maiiba ang takbo ng pestibal dahil ang mga events nito ay gaganapin kapwa online at offline.
Higit 300 produksyon ang napili para sa SIFF ngayong taon. Mapapanood ang mga pelikula sa 39 na sinehan sa Shanghai. Bukod sa Tsina at Pilipinas, nagpadala ng entries ang mga bansang kinabibilangan ng Hapon, Amerika, Canada, Germany, Iran, Italy, France, Indonesia, at India.
Ayon sa website ng SIFF, ang "Masterclass" ng 23rd SIFF ay ihahandog ng mga sikat at premyadong direktor katulad nina Lav Diaz ng Pilipinas, Jia Zhangke ng Tsina, Hirokazu Koreeda ng Hapon, Naomi Kawase ng Hapon, at Dennis Villeneuve ng Pransya. Ibabahagi nila ang mga kwento at karanasan sa paggawa ng mga pelikula sa pamamagitan ng online channels.
Si Lav Diaz ay kilalang manunulat at direktor. Nasungkit niya ang Silver Bear sa 2016 Berlinale International Film Festival para sa kaniyang pelikulang Hele sa Hiwagang Hapis. Samantala, ang pelikula niyang Ang Babaeng Humayo ay humakot din ng awards mula sa 2016 Venice Film Festival bilang Golden Lion Best Film at Best Director naman sa 2017 Dublin International Film Festival. Noong 2018, kinilala ang kaniyang obrang Ang Panahon ng Halimaw sa Bildrausch Filmfest at Cartagena Film Festival.
Inaabangan sa taunang SIFF ang Golden Goblet Awards. Napili para ipalabas ngayong taon ang 9 na feature films, 3 dokumentaryo, 5 animated na pelikula at 13 maikling pelikula. Dalawang pelikulang Tsino ang kasama sa entries, ang Back to the Wharf, pelikula ni Li Xiaofeng, at ang The Reunions, na gawa ni Da Peng.
Napili rin ang kauna-unahang full-length documentary na pinamagatang An Elegy to Forgetting ng Pinoy director na si Kristoffer Brugada. Si Brugada ay may higit 10 taong karanasan sa industriya ng telebisyon at kasama siya sa creative team ng mga produksyong nagwagi ng George Foster Peabody Award, The New York Festivals, Japan Prize for TV at Asian TV Awards.
Para sa Asian New Talent Award, sampung pelikula ang napabilang sa screenings, kasama dito ang Wild Grass ni direk Xu Zhanxiong.
Nitong Hulyo 20, muling nagbukas ang mga sinehan sa Tsina. At lubos na ikinatuwa ng mga movie fans ang balitang mapapanood sa mga sinehan sa Shanghai ang lahat ng mga pelikulang kasali sa SIFF ngayong taon.
Ayon sa balitang inilabas ng CGTN, nitong Lunes, sa loob lamang ng 1 oras, higit 100,000 movie tickets ng SIFF ang naibenta ng Taopiaopiao, official booking platform ng pestibal.
Bilang pagsunod sa mga patakarang pangkaligtasan kaugnay ng COVID-19 pandemic, ang lahat ng mga tiket ay mabibili lamang online. Ang mga sinehan ay nagpapatupad ng mahigpit na patakaran kabilang ang pagsusuot ng face mask, pagpapakita ng green health code, pagkuha ng temperatura at pagbabawal sa anumang pagkain at inumin sa loob ng sinehan. 30% lamang ng kapasidad ng isang sinehan ang papayagang makapasok sa loob.
Ang pagdaraos ng SIFF ay nagpapakita ng sigla ng industriya ng pelikula sa Shanghai at buong Tsina. Inaasahang magbibigay rin ito ng kumpiyansa sa buong mundo.
Artikulo ni Mac Ramos
Larawan: SIFF