Sa kasalukuyang mundong ating ginagalawan, ang nabigasyonal at posisyonal na impormasyon ay mga esensiyal nang parte ng pang-araw-araw na pamumuhay.
Ito ay may sentral na papel sa ibat-ibang uri ng larangang may-kaugnayan sa paglalakabay sa himpapawid, dagat at kalupaan, lohistika at pag-usbong ng ekonomiya, pagsusulong ng turismo, pagpapalitang tao-sa-tao, pananaliksik at maraming marami pang iba.
Kaya naman, ang mga pandaigdigang network na pang-nabigasyon na tulad ng Global Positioning Satellite (GPS) ng Amerika, Globalnaya Navigatsionnaya Sputnikovaya Sistema (GLONASS) ng Rusya at Galileo ng Unyong Europeo ay naging tunguhin ng ating panahon.
At ngayon, may isa pang pandaigdigang network na pang-nabigasyon ang maari nang magamit ng mga mamamayan ng buong mundo: ang BeiDou-3 Navigation Satellite System (BDS) ng Tsina.
Inanunsiyo ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang komplisyon at pormal na pagkomisyon nito noong Hulyo 31, 2020.
Ano ang BDS?
Ang BeiDou Navigation Satellite System (BDS) ay sistema ng mga satellite na sariling yari ng Tsina at nagbibigay ng 24 oras na serbisyo ng nabigasyon at lokasyon para sa mga mamamayan ng buong mundo.
Lahat ng masusing bahagi nito ay 100% domestikong-gawa sa Tsina.
Ang BeiDou ay base sa salitang Tsino para sa konstelasyon ng Big Dipper at ang proyekto ng BDS ay inilunsad noong mga unang dako ng dekada 90.
Ito ay naisa-operasyon sa loob ng Tsina noong taong 2000 at sa Asya Pasipiko noong 2012.
Ang BDS ay may 3 phase:
BeiDou-1 (1st Phase na kinabibilangan ng 4 na satellite)
1994 – opisyal na inilunsad ang proyekto ng BeiDou-1
2000 – 2 geosynchronous equatorial orbit (GEO) satellite ang inilunsad, at sa pamamagitan nito, nakumpleto at naisaoperasyon ang BeiDou 1
2003 – inilunsad ang ika-3 satellite
2007 – inilunsad ang ika-4 na satellite
2013 – idinekomisyon ang BeiDou-1
BeiDou-2 (Phase 2 na kinabibilangan ng 20 satellite: 6 para sa back-up at pagsubok)
2004 – inilunsad ang proyekto ng BeiDou-2
2007 – inilunsad ang unang satellite ng BeiDou-2
2012 – nakumpleto ang sistema ng 14 na satellite (5 GEO satellite, 5 inclined geosynchronous orbit (IGSO) satellite, at 4 na medium earth orbit (MEO) satellite)
BeiDou-3 (Phase 3 na kinabibilangan ng 30 satellite: 5 ang para sa pagsubok)
2009 – inilunsad ang proyekto ng BeiDou-3
2020 – Hunyo 23, inilunsad ang huling BeiDou-3 satellite, na nagkumpleto sa 30 satellite (3 GEO satellite, 3 IGSO satellite, at 24 na MEO satellite)
Ang BeiDou-3, pinakabagong konstelasyon ng satellite ng Tsina
Ang mga satellite ay karaniwang nasa isa sa tatlong orbita: low earth orbit (LEO), medium earth orbit (MEO), at geosynchronous orbit (GEO).
Kaugnay nito, 24 na satellite ng BeiDou-3 ang nasa MEO, at ang mga ito ay nasa mahigit 20,000 kilometro sa itaas ng ating mga ulo.
Ang rehiyong ito ay pinili ng Tsina para sa konstelasyon ng BeiDou-3 dahil ang mga satellite dito ay mayroong mas malaking "footprint," na nangangahulugang mas malaki ang coverage ng mga ito sa ibabaw ng daigdig, mas maikli ang oras ng transmisyon kaysa sa mga geosynchronous satellite, at mas maikli rin ang signal delay dahil hindi sila kalayuan sa daigdig.
Ang mga ito ang nagsisilbing gulugod ng BeiDou-3 Navigation Satellite System at siya ring tagapagbigay ng pandaigdigang coverage at serbisyo.
Bukod sa naturang 24, mayroon ding 3 GEO satellite ang BeiDou-3, na nasa 35,000 kilometrong orbita mula sa ibabaw ng daigdig.
Ang mga ito ay nakatutok sa isang lokasyon sa daigdig at palagiang mino-monitor ang nakatakdang lugar.
Dagdag pa riyan, mayroon pang 3 IGSO satellite na nasa orbitang tulad ng mga GEO satellite.
Ikinokober naman ng mga ito ang lokasyong "pigurang 8" sa ibabaw ng daigdig.
Ang kombinasyon ng naturang mga satellite ang nagbibigay ng 5 metrong akurasiya ng BeiDou-3 sa rehiyon ng Asya-Pasipiko kumpara sa 10 metrong akurasiya nito sa ibang bahagi ng daigdig.
Bentahe ng BeiDou-3 Navigation Satellite System
Kayang gawin ng BeiDou-3 Navigation Satellite System ang isang bagay na hindi kayang gawin ng ibang Sistema, at ito ay ang tinatawag na short message service – ito ay isang pungsyon na magbibigay-kakayahan sa mga taga-gamit na makapagpadala ng two-way communication (isang mahalagang feature, lalo na sa mga lugar na walang serbisyo ng komunikasyon).
Ang mga taga-gamit ng BeiDou-3 ay magkakaroon ng akses sa short message service kahit na nasa liblib na lugar, na tulad ng disyerto, kagubatan, kabundukan, at polar na rehiyon.
Maipagbibigay-alam ng sinumang nasa panganib sa mga tagasaklolo ang kanyang lokasyon at kondisyon sa pamamagitan nito.
Ayon kay Yang Changfeng, punong tagapagdisenyo ng BeiDou-3, hatid ng kanyang sistema ang maraming uri ng serbisyo, na kinabibilangan ng accurate positioning, navigation at timing, at siyempre ang naturang short message service.
Aniya, ang short message service ay kayang magpadala ng 14,000 bits (1,000 karakter Tsino) kada mensahe sa lokal na komunikasyon, at 560 bits (40 karakter Tsino) kada mensahe sa internasyonal na komunikasyon.
Ang mga serbisyong ito ay napakahalaga sa ibat-ibang larangang tulad ng transportasyon, agrikultura, pangingisda, disaster relief, at marami pang iba, dagdag pa ni Yang.
Sinabi ni Yang, na kayang kilalanin ng BDS ang lokasyon ng isang taga-gamit sa akurasiya na 10 metro, sumukat ng bilis sa loob ng 0.2 metro kada segundo at magbigay ng clock synchronization signal sa loob ng 50 nanosegundo.
Sinabi pa niyang, marami sa mga bagong proyektong pang-impraestruktura ng Tsina ay nakapokus sa ismarteng teknolohiya; mula sa komunikasyon pangkalawakan at 5G, hanggang sa artificial intelligence (AI) at Internet of Things.
Naniniwala si Yang na magiging malakas na tagapagtulak ng serbisyo ng BDS sa merkado ang konstelasyon ng Beidou-3, dahil hatid nito ang isang napakagandang alternatibo sa GLONASS ng Rusya, Galileo ng Unyong Europeo, at GPS ng Amerika.
Samantala, sinabi naman ni Ran Chenqi, Direktor Heneral ng Satellite Navigation Office ng Tsina at Tagapagsalita ng BDS, na ang short message service ay hindi lamang limitado sa pagpapadala ng karakter Tsino [o mga salita], kaya rin nitong magpadala ng mga mensahe sa porma ng video at litrato.
Dahil dito, "99% ang probabilidad na matutuklasan ng mga tagasaklolo ang sinumang nasa panganib," ani Ran.
Tulad ni Yang Changfeng, sinabi rin ni Ran na "ang BeiDou-3 ay may global positioning accuracy na mas mainam sa 10 metro, may velocity resolution na mas mainam sa 0.2m/s, skywave timing accuracy na mas mainam sa 20 nanoseconds, at service availability na mas mainam sa 99%, lalung-lalo na sa rehiyong Asya-Pasipiko.
Aniya pa, "ang plano ay gumawa ng mas pangkalahatan, mas ismarte, at mas integrated na state-level positioning, navigation at timing system sa taong 2035, na maaaring gamitin mula sa malayong kalawakan hanggang sa kailaliman ng karagatan, [at] mula sa panlabas na kapaligiran hanggang sa panloob na kapaligiran."
Sa kabilang dako, sa kanyang panayam sa British Broadcasting Corporation (BBC), ipinahayag ni Alexandra Stickings ng Royal United Services Institute for Defence and Security Studies, na "ang pinakamalaking bentahe sa pagkakaroon ng sariling sistema ay seguridad sa akses, dahil hindi mo na kailangang magdepende sa ibang bansa para rito. Halimbawa, puwedeng i-deny ng Amerika ang akses sa isang lugar sa panahon ng kaguluhan."
BDS, handang maglingkod sa inyo
Sa kasalukuyan, milyun-milyong taga-gamit sa larangan ng transportasyon, usaping pandagat, elektrisidad, usaping panlipunan, meteorolohiya, pangingisda, pagsa-sarbey at pagma-mapa, pagmimina, at pampublikong seguridad ang naseserbisyuhan na ng BDS at mga may-kaugnayan nitong kagamitan.
Ayon sa taunang ulat pang-industriya, ang halaga ng BDS sa merkado ay pumalo na sa 345 bilyong Yuan Renminbi (48.58 bilyong US Dolyar) noong 2019, na mas mataas ng 14.4% kumpara sa tinalikdang taon.
Ang pagkakumpleto ng konstelasyon ng BeiDou-3 at mga bagong proyektong pang-impraestruktura ng Tsina, na nakapokus sa mga ismarteng teknolohiya ay magiging lakas-panulak sa paglaki ng merkado ng BDS, dagdag pa ng nasabing ulat.
Ayon naman sa White Paper on the Development of China's Satellite Navigation and Location Services Industry (2020), nai-mentina ng industriya ng satellite ng Tsina ang taunang 20% na paglaki mula noong 2012, at 80% ang kontribusyon rate ng BDS dito.
Maliban pa riyan nai-prodyus ng BDS ang bilyun-bilyong dolyar na kita, di-mabilang na trabahong may mataas na suweldo, at pinasulong ang paglaki ng ekonomiya sa pamamagitan ng malalaking kontrata sa industriyang komersyal.
Source:
https://news.cgtn.com/news/2020-07-31/China-holds-ceremony-marking-completion-of-BeiDou-3-Satellite-system-Szh1VorK12/index.html
https://news.cgtn.com/news/2020-06-23/BeiDou-3-launch-30-satellite-constellation-provides-global-coverage-RyJC2fYAog/index.html
https://news.cgtn.com/news/2020-08-03/BeiDou-system-products-exported-to-over-120-countries-and-regions--SEgZBfr1mM/index.html
https://news.cgtn.com/news/2020-07-31/Review-of-the-three-phases-of-China-s-BeiDou-navigation-system-SzHseq6k7e/index.html
Ulat: Rhio Zablan