Unang bakuna sa COVID-19, inirehistro ng Rusya — Putin

(GMT+08:00) 2020-08-12 15:56:41       CRI2020-08-12 15:56:42

"Inirehistro na ang bakunang gawa ng Rusya laban sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19)."

Ito ang ibinalita Agosto 11, 2020, ni Viladmir Putin, Pangulo ng Rusya, sa online meeting kasama ang mga opisyal ng pamahalaang Ruso.

Ani Putin, ibinigay rin ang nasabing bakuna sa kanyang anak na babae at mabuti ang kalagayan niya.

Saad pa niya, pasado ang bakuna sa mga kinakailangang pagsubok, at maaari itong makagawa ng malakas na immune response.

Sinaliksik at ginawa ang nasabing bakuna sa Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology sa Rusya.

Dagdag dito, sinabi Agosto 7 ni Alexander L. Gintsburg, Direktor ng Gamaleya Research Institute of Epidemiology and Microbiology na ang naturang bakuna ay adenoviral na tipo at maaaring mabisang magdulot ng immune response sa katawan ng tao.

Ayon sa media ng Rusya, sinasaliksik ng 17 organong pansiyensiya at panteknolohiya ng bansa ang di-kukulanging 26 na uri ng bakunang panlaban sa COVID-19, at pinakamabilis ang pananaliksik ng Gamaleya.

Salin:Sarah