Pormal na natapos nitong Lunes, Agosto 31, 2020 ni Roberto Azevêdo ang kanyang tungkulin bilang Direktor Heneral ng World Trade Organization (WTO). Siya ang unang direktor-heneral na maagang nagtapos ng tungkulin sapul nang itatag ang WTO noong 1995.
Sa isang pahayag noong nagdaang mahigit 3 buwan, sinabi ni Azevêdo na ang kapasiyahang ito ay hindi dahil sa kondisyong pangkalusugan, o paghahanap ng ibang pagkakataong pulitikal. Aniya, binabalak ng iba't ibang kasaping bansa ng WTO ang muling pagtatakda ng agenda, upang harapin ang bagong katotohanan sa post pandemic era, at kailangang magpunyagi sila, kasama ng isang bagong direktor heneral.
Ipinalalagay ng opinyong publiko na sa epekto ng pandaigdigang alitang pangkalakalan at mga aksyon ng unilateralismo ng mga bansang gaya ng Amerika, nitong nakalipas na ilang taon, di-maaaring mabisang tumakbo ang mga mekanismo ng pagsusuperbisa sa patakarang pangkalakalan, multilateral na talastasan, at pagresolba sa alitan, at nahaharap ang WTO sa walang katulad na pagsubok sa kasaysayan. Ito ang sanhi ng maagang pagtatapos ni Azevêdo ng kanyang tungkulin.
Sa kasalukuyan, 8 kandidato mula sa Mexico, Nigeria, Ehipto, Moldova, Timog Korea, Kenya, Saudi Arabia at Britanya ang nangangampanya para sa puwesto ng Direktor Heneral ng WTO. Titiyakin ng General Council ng WTO ang pinal na resulta, dalawang buwan matapos ang Setyembre 7, sa pamamagitan ng tatlong round ng eliminasyon.
Salin: Vera