Ayon sa datos na inilabas Lunes, Setyembre 7, 2020 ng Pangkalahatang Administrasyon ng Adwana ng Tsina, noong unang 8 buwan ng kasalukuyang taon, mahigit 20 trilyong yuan RMB ang kabuuang halaga ng pag-aangkat at pagluluwas ng paninda ng bansa, at ito ay bumaba sa 0.6% kumpara sa gayun ding panahon ng tinalikdang taon.
Sa kabilang dako, patuloy namang nakokontrol ang pagbaba ng nasabing datos, at nakikitang maisasakatuparan ang paglaki sa malapit na hinaharap.
Noong unang 8 buwan ng 2020, mahigit 11 trilyong yuan ang pagluluwas ng Tsina, at ito ay lumaki ng 0.8%.
Samantala, 9 trilyong yuan naman ang pag-aangkat, na bumaba ng 2.3%.
Mahigit 2 trilyong yuan ang trade surplus, at ito ay lumaki ng 17.2%.
Noong Agosto, umabot sa 2.88 trilyong yuan ang pag-aangkat at pagluluwas ng bansa, at ito ay lumaki ng 6%.
Kabilang dito, 1.65 trilyong yuan ang pagluluwas, na lumaki ng 11.6%; at 1.23 trilyong yuan naman ang pag-aangkat, na bumaba ng 0.5%.
Ito ang muling paglitaw ng double-digit na paglaki sa pagluluwas, pagkatapos ng nagdaang Hulyo.
Ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay nananatili pa ring pinakamalaking trade partner ng Tsina.
Noong unang 8 buwan ng taong ito, 2.93 trilyong yuan ang kabuuang halaga ng kalakalan ng Tsina at ASEAN, na lumaki ng 7%, at ito ay katumbas ng 14.6% ng kabuuang halaga ng kalakalang panlabas ng Tsina.
Salin: Vera