Paggalang sa mga guro at pagpapahalga sa edukasyon, tradisyon at alituntunin ng Pilipinas at Tsina

(GMT+08:00) 2020-09-10 12:49:05       CRI2020-09-10 12:49:06

"Walang pagkakaibang panlipunan sa edukasyon."--Kompyusiyus

"Sa pamamagitan ng edukasyon, tumatanggap ng liwanag ang ating inang bayan."--Dr. Jose Rizal

Paggalang sa mga guro at pagpapahalga sa edukasyon, tradisyon at alituntunin ng Pilipinas at Tsina

Ang Pilipinas at Tsina ay dalawa sa mga bansa sa daigdig na nagbibigay ng mahalagang diin sa paggalang sa mga guro at pagpapahalaga sa edukasyon.

Kaugnay nito, idinaraos sa Pilipinas ang Pambansang Buwan ng mga Guro tuwing Setyembre 5 hanggang Oktubre 5, at Pambansang Araw ng mga Guro tuwing Oktubre 5 kada taon.

Sa kahalintulad na paraan, ipinagdiriwang naman ng Tsina ang Pambansang Araw ng mga Guro tuwing Setyembre 10 kada taon.

Ang mga okasyong ito ay inilaan ng kapuwa bansa upang kilalanin ang malaking kontribusyon ng mga bayani ng silid-aralan sa kanilang patuloy na pagsubaybay at pag-akay sa mga kabataan tungo sa maunlad na kinabukasan lalung-lalo na ngayong panahon ng pandemiya.

Pangaral sa mga gurong Pilipino

Sa panahon ng Pambansang Buwan ng mga Guro at Araw ng mga Guro sa Pilipinas, idinaraos ng mga mag-aaral, pamahalaan at mga pribadong samahan ang mga gawaing nagpapakita ng pagpapahalaga sa kontribusyon ng mga guro sa edukasyon at pambansang kaunlaran, at partikular sa mga ito ang parangal na "Ulirang Guro sa Filipino," na taunang iginagawad ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Isinilang ang Gawad Ulirang Guro sa Filipino noong 2014, na kumikilala sa mga natatanging guro na nakapag-ambag sa pagpapalaganap ng matalino at malikhaing gamit ng wikang Filipino sa iba't ibang disiplina, at nakapagpamalas ng pagpapahalaga sa kultura, kaakuhan, at kayamanang pamana ng bansa.

Kinikilala rin nito ang mga pambihirang gawain ng guro, sa mga anyong gaya ng akademikong ugnayan, pananaliksik, at pagpapalaganap ng wika upang mahikayat ang bagong henerasyon ng kabataan na kasangkapanin ang Filipino at iba pang wikang katutubo sa mataas na antas, tungo sa ganap na kapakinabangan ng mga mamamayang Pilipino.

Noong 2019, pitong guro ang ginawaran ng parangal na ito, at sa dulo ng artikulong ito mababasa ninyo ang kanilang mga maikling kuwento.

Dakilang Gurong na si Kompyusiyus

Si Kong Zi, na kilala rin bilang Kompyusiyus, ay ang Dakilang Guro at Pantas na Tsino na ipinanganak, mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas.

Naniniwala si Kompyusiyus na ang edukasyon ay dapat ipagkaloob sa mga tao sa iba't ibang antas ng lipunan, hindi lamang sa mga maharlika.

Kaya, tinuruan niya ang mga ordinaryong mamamayan, at siya ang naging unang guro ng mga karaniwang tao.

Isinulong din ni Kong Zi ang pagtuturo sa pamamagitan ng personal na halimbawa, at alinsunod sa pagkakaiba ng kakayahan ng mga estudyante.

Sa kanyang pagtuturo, binibigyang diin ni Kompyusiyus ang li (kagandahang-asal), yue (musika) at ren (kabaitan).

Mayroon daw mahigit 3,000 estudyante si Kompyusiyus, at 72 sa kanila ang naging kilala.

Makaraang yumao si Kompyusiyus, tinipon ng kanyang mga tagasunod ang kanyang mga turo at binuo ang "Ang Analekta," na naging klasikong aklat na nagpapaliwanag ng kaisipan ng Kompyusiyanismo.

Araw ng mga Guro sa sinaunang Tsina

Ang pagdiriwang ng Araw ng mga Guro sa Tsina ay may mga 2,300 taon nang kasaysayan, at nagsimula pa noong panahon ng Dinastiyang Han (206 BC-AD 220).

Ayon sa tala, noong panahon ng Dinastiyang Han, tuwing kaarawan ni Kompyusiyus kada taon, nagtutungo ang emperador sa templo ni Kompyusiyus upang magbigay-galang sa kanya.

Ang kaarawan ni Kompyusiyus ay pinaniniwalaang Setyembre 27.

Matapos ito, iimbitahan ng emperador ang mga guro ng palasyong imperyal para magsalu-salo sa isang bangkete.

Di-naglaon, sumunod sa gawaing ito ang mga lokal na opisyal, at iyan ang simula ng Araw ng mga Guro sa sinaunang Tsina.

Bukod dito, ang mga katangi-tanging guro ay pipiliin mula sa mga akademiya at institusyon sa loob ng imperyo at pagkakalooban ng gantimpalang nagkakahalaga ng 500 liang (pilak na barya).

Ang tradisyong ito'y nagpatuloy hanggang noong panahon ng Dinastiyang Qing (1644-1911).

Araw ng mga Guro sa kasalukuyang Tsina

Ang Araw ng mga Guro ay ipinagdiriwang sa kasalukuyang Tsina tuwing Setyembre 10 kada taon, at ito ay itinakda ng pamahalaang Tsino noong 1985.

Sa taong ito, sa biglaang pananalasa ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), hinarap ng mga gurong Tsino ang maraming pagsubok sa proseso ng pagpapatuloy ng kanilang tungkulin upang bigyang kaalaman ang mga mag-aaral sa online na plataporma.

Ayon sa datos, mayroong 17.32 million full-time na guro ang Tsina at, sa pamamagitan ng malawakang pagtuturo sa online na plataporma, napunan nila ang pangangailangan ng 280 milyon na estudyante sa buong bansa sa panahon ng pandemiya.

Sa kanyang mensahe para sa Ika-36 na Araw ng mga Guro, Setyembre 10, 2020, sa ngalan ng buong bansa, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinpin ang pagpugay sa pagpupursige at inobasyon sa pagtuturo ng mga guro.

Maliban sa pagiging modelo at lider, na nagpapalaganap ng mga kaalaman at asal na katanggap-tanggap sa lipunan, ang mga gurong Tsino ay mayroon ding mahalagang papel sa paghubog ng kamalayan ng mga mag-aaral sa kanilang buong buhay.

Samantala, pinahahalagahan din bansa ang pagsasanay at benepisyo ng mga guro.

Mula 2013 hanggang 2019, 13.5 bilyong Yuan Renminbi (1.9 bilyong US dolyar) ang ipinagkaloob ng sentral na pamahalaang Tsino para sa mga programa sa pagsasanay ng mga guro, at kabilang dito, 19.8 bilyong Yuan Renminbi ang ibinigay bilang subsidiya para sa mga guro.

Ang paggalang sa mga guro at pagpapahalaga sa edukasyon ay kapuwa alituntuning sinusunod at pinagyayaman ng Pilipinas at Tsina.

Ang alituntuning ito ay nagsisilbing isa sa maraming elementong nagbibigkis sa mga mamamayan ng dalawang bansa upang hanapin ang magandang kinabukasan sa pamamagitan ng edukasyon at itayo ang maunlad na lipunan.

Apendix

Narito ang mga maikling kuwento hinggil sa pitong gurong Pilipino na ginawaran ng parangal na "Ulirang Guro sa Filipino" noong 2019.

1.Joshua Oyon-Oyon

Si Oyon-Oyon ay isang guro at tagapayo ng Tinig Luzon, diyaryo ng Sorsogon National High School.

Siya ang tagapagsanay ng mga manunulat na nagsipagwagi sa mga timpalak sa peryodismo mula sa pandibisyon hanggang pambansang antas.

Bukod dito, nakapagturo na rin siya ng malikhaing pagsulat sa mga bilanggo sa pamamagitan ng programang Alay Kapwa: Paglingap sa Anino sa Likod ng Rehas.

Ayon sa KWF, si Oyon-Oyon ay "oragon" – nangangahulugang mahusay, matibay, o matalino sa wikang Bikol.

Sinabi ni Oyon-Oyon, "Magiging buhay at aktibo ang ating mga silid-aralan kung tayong mga guro ay may sapat na kaalaman sa ating wika at panitikan."

2.Maria Eliza Lopez

Isang propesor sa College of Teacher Education ng Don Mariano Marcos State University (DMMSU) sa Ilokos Norte, si Lopez ang siya rin ang direktor ng Sentro ng Wika at Kultura sa naturang pamantasan.

Dalawampu't apat na taon na siyang naglilingkod bilang guro, at nagsasaliksik ukol sa kulturang Ilokano at ang pagtuturo ng wikang ito bilang pangunahing wika.

Aniya, "Sana maging inspirasyon sa lahat ng mga guro sa Filipino ang Gawad Ulirang Guro upang lalong paigtingin ang pagpapaunlad at pagpapayaman sa wikang Filipino."

3.Rodel Guzman

Isang guro ng Isabela State University, itinataguyod ni Guzman, hindi lamang ang wikang Filipino kundi pati ang wikang Itawes, isa sa mga katutubong wika sa Pilipinas.

Pinag-uukulan niya ng pansin ang aspektong pangkultura ng nasabing wika sa pamamagitan ng pag-aral ng kasarian at ang ritwal ng kasal ng mga Itawes.

Ayon kay Guzman, "Ang mga wika ng Pilipinas ay mga puwersang nakapagbibigay sa atin ng talas ng isipan upang unawain at suriin ang ating karanasan bilang lahi at bansa."

4.Julieta Cruz-Cebrero

Isa pang tagapagtaguyod ng katutubong wika sa Pilipinas, isang gurong nagtuturo at nananaliksik tungkol sa wikang Subanen.

Mahigit 30 taon nang guro, si Cebrero ang kasalukuyang dekana ng School of Arts and Sciences ng JH Cerilles State College ng Zamboanga del Sur.

Sa kanyang saliksik na pinamagatang "Betad Pedlegamit: Isang Pag-aaral sa mga Baryasyon ng Wikang Subanen sa Zamboanga Peninsula," pinag-aralan niya ang iba't ibang katawagang pangkultura na may kaugnayan sa buhay ng mga Subanen.

5.Sharon Villaverde

Isang guro ng Lopez National High School sa lalawigan Quezon, si Villaverde ay kilala sa pagsisimula ng Pagsasanay Tungo sa Pag-unlad ng Kasanayan sa Filipino (PUNLA).

Layunin ng PUNLA na paunlarin ang kaalaman ng mga guro sa pananaliksik sa wikang Filipino.

"Patuloy akong magbabahagi ng aking sarili sa iba, magiging instrumento upang mapalaganap pa ang pagmamahal hindi lang sa wika, sa panitikan, kurikulum, gayundin sa pagpapalaganap ng kultura at wikang katutubo," sabi ni Villaverde.

6.Rodello Pepito

Sa loob ng 21 taong pagiging guro, si Pepito ay aktibo sa pagtataguyod ng mga organisasyong pangwika na layuning maglathala ng mga babasahin tungkol sa wika at kulturang Filipino.

Nakapagsulat na rin siya ng 2 teksbuk sa Filipino, nananaliksik tungkol sa pedagohiya ng Filipino bilang pangalawang wika, at kasalukuyang direktor ng Sentro ng Wika at Kultura sa Bukidnon State University.

"Sa kapuwa ko guro sa Filipino, ang gantimpalang tinanggap ko ay para sa inyo…. Lagi pong tandaan, magturo po tayo mula sa puso," payo ni Pepito sa kanyang kapwa mga guro.

7.Niña Christina Zamora

Isang propesor sa Philippine Normal University, si Zamora ay siya ring tagapangasiwa ng mga programang tulad ng Tulong Dunong at Sulat-Mulat, na naglalayong paunlarin ang kasanayan ng mga guro at bigyan sila ng oportunidad na makapag-aral sa iba't ibang komunidad.

Tagapangasiwa rin siya ng proyektong Sa Pinas, Ikaw ang Ma'am/Sir (SPMIS) na humihikayat sa mga nagbalik na overseas Filipino workers na pumasa sa Licensure Exam for Teachers na.

"Sa kasalukuyan, ang guro ng wika, partikular sa Filipino, ay kailangang magsagawa ng ekstensiyon, kung kaya kailangan niyang galugarin ang bawat sulok ng bansa upang maituro ang halaga ng sariling wika," saad ni Zamora.

Source:

https://rappler.com/nation/kwf-honors-exemplary-teachers-filipino-october-2019

http://www.chinadaily.com.cn/a/201909/10/WS5d770e04a310cf3e3556ab89_2.html

https://news.cgtn.com/news/2020-09-09/Xi-Jinping-sends-greetings-to-teachers-ahead-of-Teachers-Day-TDAG4PVjTW/index.html

https://www.chinadaily.com.cn/a/202009/09/WS5f581983a310675eafc585de.html

http://en.moe.gov.cn/news/press_releases/201909/t20190906_397976.html

https://www.afs.ph/countries/china/

http://www.xinhuanet.com/english/2019-12/03/c_138603259.htm

http://www.xinhuanet.com/english/2018-09/28/c_137499336.htm

Artikulo: Rhio Zablan