Sa kaniyang 14 na taong paninirahan sa Xiamen, maraming beses nang pumunta si Bong Antivola sa China International Fair for Investment and Trade (CIFIT). Pero ang taong ito ang pinaka-ipinagmamalaki niya dahil ang Pilipinas ang nahirang bilang Guest Country of Honor. At ang pagdaraos ng 2020 CIFIT sabi niya ay kahanga-hangang signal sa muling pagbangon ng ekonomiya ng Tsina sa kabila ng mga epektong dulot ng pandemiya.
Nagtatrabaho si Antivola bilang Foreign Investment Director for South China sa kumpanyang Yinke Vensco. At ang 2020 CIFIT ay magandang oportunidad para iugnay ang mga kumpanya at mga mamumuhunang Tsino sa potential business partners sa Pilipinas.
Si Bong Antivola (kaliwa) kasama si Jack Jiang, CEO ng Yingke Philippines
Sa Philippine Investment Forum na dinaluhan ni Antivola nitong Setyembre 8, 2020 naliwanagan siya at ang kaniyang mga kasamahan mula sa Yinke Vensco hinggil sa Philippine Export Processing Zones at patakaran hinggil sa mga buwis. Aniya, ayon sa paliwanag ni Kalihim Ramon Lopez ng Department of Trade and Industry (DTI), mas pinaluwag ngayon ang pagpasok ng dayuhang pamumuhunan at sinisiguro ang kaligtasan ng mga investors. Magandang balita rin ang pagbababa ng taripa at buwis. Dahil dito may plano ang mga kumpanyang kinakatawan ng Yinke Vensco na magtayo ng industrial park sa Bulacan.
Bagamat di maaring ilahad ang buong detalye ng mga planong pang-negosyo, nag-bigay ng konting detalye sa China Media Group Filipino Service si Antivola. Aniya balak ng Yingke Vensco Global na magkaroon ng mahigpit na kooperasyon sa DTI, Department of Foreign Affairs and Board of Investments ng Pilipinas hinggil sa pagpasok ng 100 Chinese investors na inaasahang makapagbibigay ng trabaho sa tinatayang 2,000 Pilipino. May mga kasunduan ding papasukin ang Yingke Vensco Global sa sock manufacturing, tractor production, photocopy machine refurbishment at sa semi-conductor industries.
Col. Romulus Canieso, Defense Attache ng Pilipinas, Bong Antivola at Jack Jiang ng Yingke Vensco
Mga opisyal na kasama sa delegasyong Pilipino sa 2020 CIFIT at si Bong Antivola (pangalawa sa kaliwa)
Hinggil sa pagdaraos ng 2020 CIFIT matapos makontrol ng Tsina ang pandemiya, lubos na ikinatutuwa ni Antivola na ang Xiamen ay ligtas at nalagpasan ang mga pagsubok. Umaasa siyang sa kalagayan ng "new normal" mahahanap niya ang mga pagkakataon ng higit pang pag-unlad di lamang ng sarili kundi maging sa ugnayang pang-kalakalan ng Pilipinas at Tsina.
Artikulo: Mac Ramos
Larawan: Bong Antivola