Bilang paggunita sa ika-70 anibersaryo ng pakikidigma ng Chinese People's Volunteers (CPV) army laban sa pananakop ng Amerika sa Hilagang Korea, isang pulong ang idinaos ngayong araw, Oktubre 23, sa Beijing.
Sa kanyang talumpati sa pulong, ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang paggalang at paggunita sa alaala sa mga martir sa naturang digmaan. Inulit din niya ang paninindigan ng Tsina sa mapayapang pag-unlad at hindi kailanman maghahari-harian.
Noong Hunyo 25, 1950, sumiklab ang Korean War sa pagitan ng Hilagang Korea (DPRK) at Timog Korea (ROK). Sa loob ng dalawang araw, nagpadala ang Amerika ng mga sundalo at sinalakay ang Hilagang Korea.
Sa kabila ng kahilingan ng Tsina para sa tigil-putukan, lumusob ang tropang Amerikano sa 38th Parallel at nagtungo sa hanggahang Sino-Koreano, noong Oktubre 7, 1950.
Upang suportahan ang pangkagipitang kahilingan mula kay Kim Il Sung, lider ng DPRK, at ipagtanggol ang sariling bansa, binuo ng Tsina ang CPV. Noong Oktubre 19, ang CPV ay tumawid ng Yalu River sa hanggahang Sino-Koreano at nakipaglaban kahanay ng hukbong DPRK kontra sa mananakop na Amerikano.
Sa War to Resist U.S. Aggression and Aid Korea na tumagal ng dalawang taon at siyam na buwan, 2.9 milyong kawal na CPV ang ipinadala sa labanan at 197,653 ang nagbuwis ng kanilang buhay.
Salin: Jade
Pulido: Mac