|
||||||||
|
||
Para sa mga Pinoy sa Tsina, sigurado akong marami nang nakaka-miss sa sinangag; pritong itlog; longganisa; tocino; tuyo, tinapa, dilis; at tsamporado ni Inay tuwing agahan (isa na po ang inyong lingkod doon ).
Dahil nasa ibang bayan, halos imposibleng makita at matikman ng mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa Tsina ang ganitong uri ng almusal. At bagamat, ilan sa mga rekado ng tradisyonal na almusal-Pinoy ay matatagpuan sa Beijing, iba pa rin ang luto ni Inay.
Sabi nga nila, si Inay ang pinakamahusay na chef sa buong mundo (sang-ayon ako riyan).
Pero, magkagayunman, ang mga Pinoy ay madaling makapag-adopt at madaling tumanggap ng bagong lasa. Kaya, sa halip na tsamporado, sinangag, at tuyo ang kanilang inaalmusal, natutunan nilang kainin ang masasarap din at abot-kayang tradisyonal na almusal ng Beijing.
Narito ang ilan sa mga paboritong tsibugin sa agahan ng mga kapuwa Pinoy at Tsino.
Youtiao: Pinilipit na masa ng harina at ipinirito sa pamamagitan ng wok.
Mantou: Ito ay siopao na walang palaman. Gawa ito sa harina na niluto sa pamamagitan ng steamer.
Baozi: Ninuno ng ating "siopao." Malapit ang lasa nito sa siopao bola-bola.
Ji Dan Guan Bing: Isang espesyal na bibingkang gawa sa harina at itlog, na pinalamnan ng gulay at karne. Ang karaniwang gulay na inilalahok ay lettuce, samantalang, ang karne naman ay mula sa tupa. Para sa mahihilig sa maanghang, puwede rin itong pahiran ng chili sauce.
Shao Mai: Ito ang ninuno ng ating "siomai" sa Pilipinas. Ang normal na palaman nito ay kanin at kabuteng shitake, ngunit sa may bandang katimugan ng Tsina, pinapalamnan ito ng karne ng baboy at hipon. Halos kapareho n gating siomai sa Pinas.
Doufu nao: Ito ang katumbas ng "taho" ng Pilipinas. Pero, sa halip na may sago at matamis, nilalagyan ito chili sauce, tausi, mani at iba pang pampalasa. Maalat-alat at malinamnam ang lasa nito.
Dou jiang: Ito ang gatas mula sa soya, o soy bean. Paborito itong gawing sabaw sa almusal ng mga Tsino at kapares ng Youtiao.
Cha ji dan: Itlog ng manok na nilaga sa tsaa. Mayroon itong kakaibang lasa at kaaya-ayang kainin sa almusal.
Artikulo: Rhio Zablan
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |