Idinaos kahapon sa Bandar Seri Begawan, kabisera ng Brunei, ang Ika-2 ASEAN Defense Ministers' Meeting-Plus (ADMM-Plus). Lumahok dito ang mga lider ng departamentong pandepansa mula sa mga bansang ASEAN at 8 dialogue partner ng ASEAN na kinabibilangan ng Tsina, Amerika, Rusya, Hapon, Timog Korea, India, Australia at NewZealand. Malalim na nagpalitan ng palagay ang mga kalahok na lider hinggil sa mga usaping gaya ng isyung panseguridad, kalagayang panrehiyon at pandaigdig, magkakasama ring nilagdaan ang Bandar Seri Begawan Joint Declaration.
Positibong pinahahalagahan ng naturang Joint Declaration ang ambag na ibinibigay ng mga miyembro ng ADMM-Plus para sa kapayapaan, katatagan at pag-unlad ng rehiyon. Muli rin nitong kinumpirma na ang ASEAN ay pangunahing puwersang tagapagpasulong ng ADMM-Plus. Ipinahayag din nitong ang ADMM-Plus ay masusing bahagi ng pagtatatag ng positibo, mabisa at bukas na panrehiyong framework na panseguridad.
Lumahok sa naturang pulong si Chang Wanquan, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Tsina. Positibo niyang pinahalagahan ang bungang natamo ng Tsina at ASEAN sa larangan ng kooperasyon sa mga suliranin ng tanggulang bansa. Sinabi niyang nitong ilang taong nakalipas, natamo ng Tsina at ASEAN ang maraming bunga sa kooperasyon sa iba't ibang larangan, at pinatingkad nito ang positibong papel sa pagsasakatuparan ng magkakasamang kaligtasan sa rehiyon.
Bilang tugon sa isyu ng South China Sea, binigyan-diin ni Chang na tiyak na umiiral ang pagkakaiba sa pagitan ng Tsina at ilang bansang ASEAN sa larangan ng soberanya ng teritoryo at karapatang pandagat. Pero ang pagkakaiba ay hindi pangunahing nilalaman ng kalagayang panseguridad ng rehiyon. Ito aniya ay hindi problema sa pagitan ng Tsina at ASEAN, kaya hindi maaapektuhan ng kinauukulang alitan ang pangkalahatang kalagayan ng relasyon ng Tsina at ASEAN. Sinabi ni Chang na sa mula't mula pa'y, naninindigan ang Tsina na dapat hanapin ng mga may direktang kaugnayang panig ang maayos na kalutasan. Ipinahayag ni Chang na nakahanda ang Tsina na walang humpay na magsikap, kasama ng mga bansang ASEAN, para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyong ito.
Salin:Sarah