Lumisan ng Beijing ngayong umaga si Premyer Li Keqiang para dumalo sa serye ng pulong ng mga lider ng Silangang Asya at magsagawa ng opisyal na pagdalaw sa Brunei, Thailand at Biyetnam.
Ito ang ikalawang biyahe sa labas ng Tsina ni Premyer Li, at ito rin ang kanyang kauna-unahang pagdalo sa pulong ng mga lider ng Silangang Asya na kinabibilangan ng Ika-16 na Summit ng Tsina at ASEAN (10+1), Ika-16 na Summit ng ASEAN, Tsina, Hapon at Timog Korea (10+3), at Ika-8 Summit ng Silangang Asya.
Sa kanyang biyahe, ilalahad ni Premyer Li ang mga patakaran ng kasalukuyang liderato ng Tsina hinggil sa pagpapahigpit ng relasyong Sino-ASEAN. Itatakda rin niya, kasama ang mga lider ng ASEAN, ang "diamond decade" ng ugnayang Sino-ASEAN sa susunod na sampung taon.
Ito rin ang unang biyahe ng isang lider ng kasalukuyang Pamahalaan ng Tsina sa Brunei, Thailand at Biyetnam.
Salin: Jade