Sinabi kahapon ni Tagapagsalita Hong Lei ng Ministring Panlabas ng Tsina na ang pagkakaloob ng serbisyong medikal ng "Peace Ark" Hospital Ship ng Tsina sa mga binagyong lugar ng Pilipinas ay nagpapakita ng pakikipagkaibigan ng pamahalaan at mga mamamayang Tsino sa mga mamamayang Pilipino. Ito rin aniya ay nagpapakita ng pagiging responsable ng Tsina bilang isang malaking bansa.
Ayon kay Hong, nang araw ring iyon, natapos ang nabanggit na misyon ng "Peace Ark," at lumisan ito ng Gulf of Leyte pauwi ng Tsina. Sa 16-araw na pananatili sa Pilipinas, napagkalooban ng serbisyong medikal ng "Peace Ark" ang 2,208 sugatan, at 44 na iba pa ang inoperahan. Kasabay nito, nagpadala rin ang "Peace Ark" ng grupong medikal sa mga binagyong lugar, para sa pagpigil sa mga nakahahawang sakit, pagsuri sa pinagmumulan ng tubig, pagdidisimpekta, at iba pa. Nag-abuloy din ito ng mga materyal na medikal sa panig Pilipino.
Salin: Liu Kai