|
||||||||
|
||
Sa kanyang pakikipag-usap kagabi sa telepono kay John Kerry, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos, ipinahayag ni Wang Yi, Ministrong Panlabas ng Tsina na nananatili pa ring matatag ang relasyong Sino-Amerikano. Sa pamamagitan ng pagpapalalim ng estratehikong pagtutulungan at pagtitiwalaan, at maayos na paglutas sa mga sensitibong isyu, umaasa aniya siyang lalo pang susulong ang estratehikong relasyon ng Tsina at Amerika sa pagpasok ng bagong taon. Ipinahayag naman ni Kerry na nakahanda ang Amerika na pahigpitin ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa Tsina, sa larangan ng relasyong bilateral at mga isyung panrehiyon at pandaigdig, para pasulungin ang nabanggit na bagong relasyong Sino-Amerikano.
Nang mabanggit ang isyu ng Gitnang-Silangan, ipinahayag ni Wang na sa kanyang gagawing biyahe sa Gitnang Silangan, umaasa siyang mahihimok ang Palestina at Israel na gumawa ng mga mabisang hakbang para matamo ang substansyal na resulta ng talastasang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang panig.
Ipinahayag naman ni Kerry ang pag-asang magtatamo ng nakatakdang tagumpay ang pagdalaw ni Wang sa Gitnang Silangan. Nakahanda aniya ang Amerika na makipagtulungan sa Tsina sa isyung ito.
Binigyang-diin din ni Wang na ang kalutasang pampulitika ang tanging paraan sa paglutas sa isyu ng Syria. Umaasa aniya ang Tsina na magkasamang magsisikap ang mga may-kinalamang panig para maidaos ang ika-2 pulong sa isyu ng Syria sa Geneva, sa nakatakdang panahon at matatamo sa pulong ang positibong resulta.
Ipinahayag naman ni Kerry na positibo ang Amerika sa paninindigan ng Tsina sa isyu ng Syria, at makikipag-ugnayan ito sa Tsina sa naturang isyu.
Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa pagpapanumbalik ng Six Party Talks hinggil sa isyung nuklear ng Peninsula ng Korea.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |