Ayon sa Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas(DoT), kasalukuyang apektado ang turismo ng bansa ng mga ulat na may inilunsad at ilulunsad na pag-atake ang mga teroristikong grupo laban sa mga Tsino at institusyong Tsino sa Pilipinas.
Kaugnay nito, ipinalabas kamakailan ng Ministring Panlabas ng Tsina ang travel alert. Binalaan nito ang mga Tsino na nasa Pilipinas na mag-ingat. Para naman sa mga Tsinong may balak pumunta sa bansa, pinapayuhan silang pansamantalang ipagpaliban ang kanilang plano.
Noong taong 2013, mahigit 200 libong turistang Tsino ang pumunta sa Boracay. Samantala, mula naman noong Enero hanggang Hulyo ng taong ito, 130 libong Tsino ang naglakbay doon. Pero, sa kasalukuyan, mangilan-ngilan lamang ang makikitang mga Tsino roon.